11 astigin, sasalang sa Lakambini Race
- BULGAR
- Aug 31, 2023
- 1 min read
ni Green Lantern @Renda at Latigo | August 31, 2023
Nakatakdang sumalang ang 11 tigasing babaeng kabayo sa 2023 PHILRACOM Lakambini Stakes Race na ilalarga sa Metro Turf, Malvar sa Tanauan City, Batangas sa darating na Linggo.
Naghayag ng pagsali sa distansyang 1,600 meter race sina Chrome Bell at Domsat Seven para makipagtagisan ng bilis sa siyam pang mahuhusay na kabayo.
Gagabayan si Chrome Bell ni former Philippine Sportswriters Association, (PSA) - Jockey of the Year awardee Jonathan Basco Hernandez habang si Jeffril Tagulao Zarate ang rerenda kay Domsat seven.
Nakalaan ang P2-M guaranteed prize ang ikakalat sa unang anim na kabayong tatawid sa meta, ang ibang naghayag ng pagsali ay sina Earli Boating, Glamour Girle, I Under Oath, Keep Da Trick, Secretary, Sister Moon, Winner Parade, Wolfgang at Amiable Maxinne.
Susungkitin ng mananalong kabayo ang tumataginting na P1.2-M, mapupunta ang P400,000 sa pangalawa habang tig-P200,000, P100,000, P60,000 at P40,000 ang third hanggang 6th placers ayon sa pagkakasunod.
Ibubulsa ng breeder ng winning horse ang P100,000 habang tig-P60,000 at P40,000 ang second at third sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) ni Chairman Reli de Leon.
Samantala, pakakawalan din ang 1st Leg Juvenile Stakes Race kung saan may walong kabayo ang magbabanatan sa karerang may distansiyang 1,200 meter race.
Maliban sa dalawang stakes races, may mga regular na karera ang ihahanda ng Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) kaya asahang masaya na naman ang mga karerista sa kanilang paglilibang.





Comments