100% smoke-at vape-free sa mga TNVS, dapat lang
- BULGAR

- 5 days ago
- 2 min read
ni Leonida Sison @Boses | November 16, 2025

Sa araw-araw na bigat ng trapiko, polusyon at stress sa kalsada, dapat sigurong ang mga pampublikong transportasyon ay maayos, maaliwalas at nakakahinga nang maluwag ang mga pasahero at hindi nagiging lugmok sa grabeng usok.
Kaya tama lang na higpitan at gawing smoke-free at vape-free ang mga Transportation Network Vehicle Services (TNVS), at iba pang kahalintulad nito, na tunay na proteksyong matagal nang kailangan.
Ito marahil ang dahilan kaya inilunsad ng Department of Health (DOH), kasama ang MMDA, DOTr, LTFRB, at iba pang ahensya ang kanilang kampanyang 100% Smoke-Free at Vape-Free TNVS, kamakailan.
Layunin nitong bawasan ang exposure ng mga pasahero, lalo ng mga kabataan sa nakalalasong usok at aerosol mula sa tobacco at vape products.
Kasama sa inisyatiba ang paglalagay ng smoke-free at vape-free stickers sa mga TNVS vehicles, habag pagkilala rin sa mga naturang kumpanya nito na tapat na sumusunod sa tobacco control policies.
Alinsunod ito sa Health Promotion Framework Strategy, National Tobacco Prevention and Control Strategy, at mga umiiral na batas gaya ng EO 26, RA 9211.
Base naman sa LTFRB Memorandum Circular 2019-063 ay iniuutos na maglagay ng ‘No Smoking and No Vaping’ signage sa lahat ng pampublikong sasakyan at terminal. Para sa sinumang lalabag may kaukulang parusa, kung saan pagmumultahin ng hanggang P15,000 at posibleng pagkansela ng Certificate of Public Convenience (CPC).
Ayon sa DOH, tumataas pa rin ang paggamit ng heated tobacco at vape products, lalo na sa mga saradong espasyo tulad ng TNVS, at walang takas dito ang mga pasahero. Ang polusyon mula sa second-hand at third-hand smoke ay nananatiling tahimik subalit mapanganib na salarin sa ating kalusugan.
Sinabi naman ni MMDA Chairman Don Artes na mahalaga ang pagprotekta sa publiko laban sa anumang uri ng polusyon. Gayundin, para kay DOH Regional Director Lester Tan, ang inisyatiba ay pagbibigay-karapatan sa bawat pasahero na makalanghap ng malinis na hangin, isang batayang kalayaang hindi na dapat ipinaglalaban pa sa modernong panahon.
Maraming kumpanya ng mga TNVS ang nagpahayag na ng kanilang suporta at nangakong isasama ang regulasyon sa kanilang booking apps.
Ang pagbabawal ng paninigarilyo at pagbe-vape sa loob ng public transport ay hindi lamang regulasyon, ito ay uri ng pagrespeto. Respetong dapat ibigay sa bawat pasahero at nakasakay dito na umaasa para sa maayos, malinis na biyahe at hindi dapat nalulunod sa usok o polusyon.
Alalahanin natin na hindi pribilehiyo ang malinis na hangin, kundi ito’y higit na pangangailangan. Kaya sana gawing smoke-at vape-free ang mga pampublikong transportasyon.
Gayundin, ang usok, vape man o sigarilyo ay hindi lamang basta bisyo, ito ay nagiging banta sa ating kalusugan. Isipin na lang natin na umiwas sa anumang panganib sa kalusugan at huwag nang dagdagan pa ang problema.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com








Comments