10 team, gitgitan na sa Finals ng PBA 3X3
ni Gerard Arce - @Sports | December 29, 2021

Magkakaalaman na kung sino ang tunay na hari ng PBA 3X3 “Lakas ng Tatlo” ngayong araw, Miyerkules sa pagsasagupa ng 10 koponan matapos ang anim na legs na pinagtagumpayan ng limang magkakaibang koponan kabilang ang back-to-back champ na Limitless App Masters sa Smart Araneta Coliseum.
Pangungunahan ng top-ranked na Meralco Bolts 3X3 ang torneo para maging hari ng First Conference Grand Finals na suportado nI 1Pacman Mikee Romero, kasama ang 1st leg champ na TNT Tropang Giga, No.3 at 5th at 6th leg winner Limitless App at No.4 Platinum Karaoke na didiretso sa quarterfinal round matapos manguna sa team standings ng anim na legs.
Maglalaban-laban ang anim pang koponan na nakapasok rin sa top-10 kasunod ng kanilang mga nakolektang puntos para sa nalalabing apat na pwesto sa quarterfinals na magbabakbakan sa preliminaries na magsisimula ng ala-1:00 ng hapon.
Ang mga koponang magsasagupa sa Pool A ay ang No.5 Terrafirma 3X3, 8th ranked at leg 3 winner na Sista Super Sealers, at No. 9 San Miguel Beer, habang sa Pool B ay ang 6th ranked at 4th leg champ na Purefoods TJ Giants, No.7 Pioneer Pro-Tibay at No.10 Barangay Ginebra.
Papasok sa quarterfinals ang top-two teams sa dalawang pool para kalabanin ang Top seeds sa knockout round na magsisimula sa alas-4:00 ng hapon, patungong semifinals at final round bandang alas-7:10 ng gabi.
Unang sasabak sa Pool A ang Terrafirma at San Miguel sa nakatakdang 14-game slate sa ala-1:00 ng hapon na susundan sa 1:25 p.m. ng Purefoods at Ginebra sa Pool B, kung saan libreng makakapanood ang may 1,000 fans sa grand finals.
Mabibiyayaan ng tumataginting na P750,000 cash-price ang magtatagumpay bilang PBA 3X3 conference champion, habang ang runner-up ay mayroong P250,000 at P100,000 sa third placer.
Tinamaan din ng matinding injury ang 2nd ranked na TNT sa katauhan ni Fil-American Jermiah Grey, ngunit patuloy na aasa sa sharp-shooter na si Almond Vostroes katulong sina Lervin Flores, Samboy de leon at Chris Javier.





Comments