top of page

10-ANYOS NA ANAK NI ANGELICA, NAGTANGKANG MAGPAKAMATAY

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 14, 2023
  • 5 min read

ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | August 14, 2023



Sa unang pagkakataon ay inamin ng Laguna Provincial Board member ng 3rd district na si Angelica Banaag Alarva o mas kilala bilang si Angelica Jones na sinubukang wakasan ng nag-iisa niyang anak na si Angelo Timothy Benedict Alday ang kanyang buhay at mabuti na lang, nakaligtas ito.


Ipinagtapat ito ni Angelica sa panayam niya kay Morly Alinio na in-upload sa YouTube channel nitong “Morly Alinio (Ito ang Tondo)”.


“Matalino ang anak ko, marami siyang medals at ikinukuwento niya na binu-bully siya. Sabi (raw) sa kanya, ‘Oo nga, matalino ka, may medal ka, dami mong sabit, wala ka namang tatay. Nanay mo, busy.


“Masakit ‘yun para sa anak ko na nakikita niya ‘yung mga friends niya or classmates niya na may tatay. Ako, hindi ako naghahabol. Matagal na akong naka-move on, kaya ko. Pero para sa anak, masakit pala na makita ko ‘yung anak ko na humahagulgol, durog na durog.


“Masakit sabihin ng isang anak sa nanay na ‘Kasalanan mo kaya wala akong tatay!’ Ginusto ko ba na walang tatay ang anak ko?” emosyonal na sabi ni Angelica.


Ipinagbubuntis pa lang daw ni Angelica ang anak nila ng dating karelasyon ay nakipaghiwalay na ito at pinagbintangang hindi nito anak ang dinadala niya kaya’t dumating sa puntong ipina-DNA testing nila ang bata at napatunayang siya ang ama.


“Hindi ako naghahabol ng financial support kundi moral support o love as a father sa anak.


Puwede naman (kami) maging civil, ‘di ba, maraming naghihiwalay (magkarelasyon) na magkaibigan para sa anak?


“Ilang birthday na ng anak ko (wala ang ama), 10 years. Ilang sabit na ang anak ko, 8 years na sinasabitan ng mga medals, ang daming awards, nanalo sa timpalak, public speaking, nanalo sa pagkanta, sa TikTok, lahat. Hakot awards na siya, eh. Sobrang talented nu’ng bata.


“Mahirap bang sabihin ng (isang ama) sa anak na, ‘Congratulations, anak! Happy birthday, anak, kumusta ka na, anak?’ Ni isang beses, wala!” pigil ang luhang pagkukuwento ni Angelica.


At dito na binanggit na nag-suicide attempt si Angelo. Nu’ng um-attend daw si Angelica ng presscon kamakailan ay may pinagdaraanan daw siya.


“‘Yung anak ko, nag-attempt mag-suicide, he took the pills bago ako um-attend ng presscon.


Nu’ng tinanong ako ni Gorgy (Rula), hindi ako nagpapa-interview ng ilang years. Tahimik akong tao, kaya nawawala ako.


“Kaya nu’ng kinumusta ako ni Gorgy, kung kumusta na ang anak ko, kumusta na ang tatay ng anak ko, hindi ko napigilang umiyak kasi two days before the presscon, nag-attempt ng suicide ang anak ko,” pagtatapat ng pulitiko at negosyanteng aktres.


“Nag-take ng pills ang anak ko kaya pala sabi ng sister-in-law ko, namumutla raw si Angelo, nasusuka, tapos, minonitor muna namin siya ng isang araw (hospital). Tapos, tinawagan kami para lumabas lahat ‘yung tinake niya at may ininom naman siyang gamot para mawala ‘yung anuman sa katawan niya at nilagnat din ang anak ko.


“He feel hopeless, umiiyak siya sa akin nang alas-tres nang madaling-araw sa dibdib ko na kailan daw siya tatanggapin ng tatay niya,” pag-amin ni Angelica.


Kaya sa mga lakad at shooting daw ni Angelica ay parati na niyang kasama ang anak para makapag-enjoy kasama ang mga batang cast sa pelikula.


“Nu’ng hindi pa nakakasama ang anak ko, isang linggong iyak nang iyak ang anak ko, durog na durog.


“Paano naman kasing hindi masasaktan, Tito Morly, ini-stalk niya (Angelo) ang tatay niya sa Facebook. Proud na proud siya sa mga anak niya, okay lang ‘yun kasi tatlo ang anak niya sa iba-ibang nanay, tapos sa kanya (Angelo), hindi man lang siya ma-congrats.


“Nagme-message siya sa daddy niya sa Messenger, hindi siya nire-reply-an. Ibinigay ko ‘yung number ng dad niya, tine-text niya, hindi siya nire-reply-an, binlock pa siya sa phone.


“Paulit-ulit ko nang sinasabi sa anak ko na hindi mo na kailangan ng tatay, nandito naman ako, nandito naman si Mama Beth (lola), nandito naman kami.


“Kaya lang, Tito Morly, ang hirap palang sagutin na kapag tinanong ka na ng anak na lahat nasa kanya, na ang sakit-sakit na kay Angelo na tinanong niya, ‘Mom, masama ba akong anak?’


“‘Mommy, hindi naman pera ang gusto ko, eh, ang gusto ko, kilalanin ako bilang anak. Hindi ba proud sa akin ang totoong daddy ko? Hindi ba niya ako mahal?’ Kaya masakit sa part ni Angelo na habang lumalaki ang bata, mas maraming tanong, mas mahirap sagutin,” pagbabahagi ni Angelica.


Nabanggit pa na hindi rin makalabas ng bansa ang mag-inang Angelica at Angelo para mamasyal dahil walang passport kasi ang birth certificate na pinirmahan ng ama five years ago ay nasa Taguig (Municipal Civil Registry Office) at panahon ng pandemya, maraming COVID cases at nawala ‘yung mga documents.


“So, ang advise ng St. Luke's (hospital), kailangan ng affidavit of loss para sa bagong birth certificate. Kailangan ng pirma ng daddy para mai-file na.


“Kaya kami nagpunta ni Angelo (sa ama), ang ginawa ni Angelo nagpapogi at nagpraktis kung ano ang sasabihin kasi excited siyang mayakap ng ama at ‘yung wife nito, pero ang nangyari, hindi kami hinarap at hindi rin pinirmahan ang papel,” pagtatapat ni Angelica.


Sa panahong nalaman daw ng ama ni Angelo na siya ang ama ay niyaya niyang magpakasal si Angelica at iwanan ang mommy nito, pero hindi pumayag ang aktres dahil naisip niya na pagkatapos daw siyang saktan at lahat-lahat, tapos ay biglang babawiin siya.


“Aaminin ko, hindi ganu’n kadali kasi may pain pa, nasaktan ako. So, hayaan mo munang mag-heal bago mo ako yayaing makipagbalikan.


“Hindi kami ikinasal kasi unang desisyon ko muna nu’ng umiyak ako sa kanya at nagmamakaawa ako, sinabi ko sa sarili ko na hindi ko na siya babalikan dahil mentally, emotionally, ‘yung pangalan ko, nagka-damage because of him.


“Kaya ako nagsasalita ngayon kasi nakikita ko na nasasaktan si Angelo na hindi binibigyan ng pagpapahalaga ni Gerald (tatay ng anak). Hindi naman ako naghahabol, ‘yung anak ko ang naghahabol dahil naka-move on na ako at masaya akong solo parent ng anak ko na ang guwapo, ang talino.


“Kaya ako nagsasalita dahil ‘yung rights ng anak ko, nasasaktan ako kapag nakikita kong umiiyak ang anak ko at ang pinakamasakit ay ‘yung nag-suicide attempt ang anak ko. At kung natuluyan ang anak ko, ipakukulong ko talaga si Dr. Gerald Alday, hindi ko siya mapapatawad,” diin ni Angelica.


Sa tanong ni Morly kung paano si Angelica ang kasuhan dahil nagsasalita siya ngayon at maaari itong gamitin bilang kasiraan niya, “Hindi niya ako maaaring kasuhan dahil may mga ebidensiya ako at hindi ako ang kalaban niya kundi ang anak niya. Nag-suicide attempt ang anak ko because of him, kasiraan niya (Gerald) ‘yun. Siya ang sumira sa pagkatao niya dahil sinira niya ang buhay ng anak ko. Kung naging mabuti siyang ama, hindi mangyayari ito sa anak kong si Angelo,” pagtatapos ng mama ni Angelo Alday.


Bukas ang BULGAR sa panig ni Dr. Gerald Alday tungkol sa isyu nila ni Angelica Jones.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page