1% W/Tax pamasko ng BIR sa mga online seller
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | November 13, 2023
DAPAT GAWIN NG PHILRICE MANAWAGAN KAY P-BBM, SUPORTAHAN MGA MAGSASAKA PARA MARAMING MAANING PALAY AT HINDI MAGMUNGKAHI NG HALF RICE SA MGA KAINAN -- Pinuputakti ngayon ng batikos ang Philippine Rice Research Institute (PhilRice) dahil sa panukala nitong alisin na ang whole rice at gawing half rice ang kada order ng kanin sa mga food establishments sa bansa.
Mababatikos talaga ang PhilRice kasi imbes manawagan ito kay Pres. Bongbong Marcos (P-BBM) na bigyan ng todong suporta ang mga magsasaka para maraming maaning palay, eh ang ipinanunukala ay tipirin sa pagkain ng kanin ang mga Pinoy, tsk!
◘◘◘
SA DAMI NG MGA POGO, BAKA DUMATING ANG PANAHON NA MAS MARAMI NANG CHINESE SA ‘PINAS KAYSA PINOY -- Sa Senate hearing ay nabulgar na may mga Philippine ID (identification card) ang mga Chinese national na nagtatrabaho sa mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) na ginagamit nila para maging Filipino citizens at dahil d’yan ay nabahala si Sen. Risa Hontiveros para sa pambansang seguridad kaya’t ang panawagan niya kay P-BBM ay i-ban na ang mga POGO sa Pilipinas.
Dapat pakinggan ni P-BBM ang panawagang ito ni Sen. Risa kasi kung dededmahin lang niya ito at patuloy na lumaganap ang mga POGO sa bansa ay baka dumating ang panahon na sa ‘Pinas ay mas marami pa ang mga Chinese kaysa mga Pinoy, boom!
◘◘◘
DETALYADO RAW ANG PAGKAKAGASTAHAN NG P4.5 B CONFI FUND NI P-BBM, PERO AYAW NAMAN ISAPUBLIKO -- Sabi ni Senate Pres. Migz Zubiri ay detalyado raw ang pagkakagastahan ni P-BBM sa P4.5 billion confidential fund na nasa Office of the President (OP).
Kung totoong detalyado na saan gagastahin ‘yan, sana ay sabihan ni SP Zubiri si P-BBM na isapubliko ang pagkakagastahan ng kanyang confi fund para malaman ng mamamayan na sa tama ito gagastusin at hindi sa mali.
‘Yan ang hindi kagandahan sa gobyerno, ibibida na detalyado raw saan gagastahin ang confi fund ng presidente, pero ayaw naman isapubliko kung saan ito gagastusin, period!
◘◘◘
MASAKLAP NA PAMASKO NG BIR SA MGA ONLINE SELLER -- Inanunsyo ni Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Romeo Lumagui na next month o sa buwan ng Disyembre 2023 ay sisingilin na raw nila ng 1% withholding tax ang lahat ng online sellers sa bansa.
‘Yan ang masaklap na pamasko ng BIR sa mga online seller, boom!





Comments