Search
  • BULGAR

1-anyos na beybi, may COVID-19

ni Lolet Abania | October 7, 2020




Dalawang bagong kaso ng Coronavirus ang naitala, isa rito ang 1 taong gulang na sanggol sa Dauis, Tagbilaran City, Bohol.


Sa pahayag ni Gov. Arthur Yap sa kanyang Facebook post, ang dalawang infected ng virus ay locally stranded individual (LSI) na nakabalik na sa lalawigan ng Anda at isang residente na taga-Dauis.


Ayon naman kay Dauis Mayor Marietta Tocmo-Sumaylo, ang nasabing pasyente ay isang 1-anyos na baby mula sa Barangay San Isidro.


Isinailalim na sa lockdown para sa contact tracing ang buong barangay ng tinitirhan ng sanggol.


Nagpalabas na rin si Sumaylo ng anunsiyo upang agad na sumunod ang kanyang kababayan sa mga health protocols tulad ng pagsusuot ng face mask at face shield at iba pa.


Gayunman, dinala sa ospital ang baby dahil nakararanas na ito ng lagnat.


Una rito, nakasama ng ama ng sanggol ang isang driver na may COVID-19 na nagmula sa Tubigon. Subali't hindi binanggit kung tinamaan ng COVID-19 ang ama at ina ng baby.


Wala namang binanggit na kondisyon ang isang pasyenteng LSI na tinamaan ng virus.


Samantala, may kabuuang 367 Coronavirus cases, 84 dito ay active, 275 ang nakarekober at 8 ang namatay sa Bohol.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2021 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.