1-2 Finish sa Handicap kina Robin Hood at Magtotobetsky
- BULGAR
- May 30, 2023
- 1 min read
ni Green Lantern @Renda at Latigo | May 30, 2023
Sinilo ng magkakamping Robin Hood at Magtotobetsky ang 1, 2 finish sa katatapos na PHILRACOM Rating Based Handicapping System na inilarga sa Metro Turf, Malvar sa Tanauan City, Batangas noong Linggo ng hapon.
Ginabayan ni jockey Jomer Estorque, ipinuwesto nito sa pangalawa sa largahan si Robin Hood habang nasa unahan ang matulin sa arangkadahan na si The Accountant.
Abante ng kalahating kabayo si The Accountant kay Robin Hood sa unang kurbada, nasa tersero naman si Charm Campaign at pang-apat si Runawayfromrosenot.
Umungos hanggang tatlong kabayo si The Accountant pero pagsapit ng far turn at naagaw na ni Robin Hood ang unahan at maging si Runawayfromrosenot ay rumeremate na rin.
Pagdating ng rektahan kung saan ay nangunguna si Robin Hood ng dalawang kabayo ay sumasagitsit naman ang kakampi nitong si Magtotobetsky.
Nagwagi si Robin Hood ng may limang kabayong agwat sa pumangalawang si Magtotobetsky.
Inirehistro ni Robin Hood ang 1:38.6 minuto sa 1,600 meter race sapat upang hamigin ng winning horse owner na si Leonardo Javier Jr. ang P10,000 added prize.
Segundo ang kakampi ng Robin Hood na Magtotobetsky, tersero ang Bombay Nights habang pumang-apat ang Charm Campaign sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) sa pamumuno ni chairman Reli De Leon.
Samantala, nagpakitang gilas din si Saoirse na PHILRACOM rating Based Handicapping System na pinakawalan sa pangatlong karera.
Dahil sa panalo, back-to-back si jockey Estorque, siya rin ang sumakay sa nanalong si Saoirse.





Comments