Zero-flooding sa Metro Manila tuparin, ‘wag puro press release
ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | July 31, 2023
Nitong nagdaang Hulyo 12 ay dumanas tayo ng tuluy-tuloy na pag-ulan dulot ng low pressure area na nagpalubog sa buong Metro Manila at nagmistulang ‘water world’ na nagdulot matinding pagsisikip sa daloy ng trapiko sa maraming lugar.
Grabe ang naging karanasan ng marami nating kababayan hindi lang ng mga pasahero kung hindi maging ng mga motorista na mistulang nasa isang malaking parking lot dahil sa hindi na madaanan ang kahabaan ng South Luzon Expressway (SLEX) sanhi ng baha.
Hindi biro ang naging karanasan nating ito na ang buntot ng haba ng mga sasakyang natengga ay mula sa northbound lane ng SLEX patungong Manila sa bahagi na ng Sta. Rosa, Laguna na tinatayang aabot ang haba ng 16.3 kilometro.
Mula umaga ay hindi gumagalaw ang sitwasyon at hapon na ng medyo nagsimulang umusad ngunit masikip pa rin hanggang sa Alabang viaduct at umabot na ng Timog flyover sa EDSA at marami pang lugar sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila.
Napakarami ng ating mga kababayan na mas pinili na lamang maglakad upang makauwi sa kanilang mga tahanan dahil sa labis na pagbaha at ito ay sa kabila ng mga paghahanda umano ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Mabuti at nairaos ng mga inaasahan nating ahensya ang sitwasyon dahil nakakita sila ng sisisihin dahil ayon sa pahayag ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ay lumubog lamang ang mga lugar na wala sa kanilang monitoring.
Isang shopping mall umano ang nagsasagawa ng expansion at may mga kinukumpuni sa kalsada na naging dahilan ng pagkasira ng drainage system ng SLEX at ng DPWH na tatagal pa umano ng panibagong linggo bago tuluyang maisaayos.
Ngunit iba naman ang paliwanag ng DPWH, dahil ang naganap na pagbaha umano sa Metro Manila kamakailan na dulot ng maghapong pag-ulan ay epekto pa ng nagdaang pitong taong sistema na sinisikap na umano nilang ayusin.
Ayon kay Engineer Mikunog Macud ng DPWH-National Capital Region South Manila district engineer, target umano ng DPWH at MMDA ang zero-flooding sa buong Metro Manila sa taong 2030. Pitong taon mula ngayon ay flood free na umano ang buong Metro Manila at ang pangakong ito ng DPWH ay kasama ang MMDA dahil bahagi umano ng kanilang mandato ay hanggang 2030 at tinitiyak nilang wala na ring pangit o sirang kalsada.
“All will be good,” ito ang eksaktong pahayag ni Engr. Macud kasunod ng paliwanag na ang lahat umano ng drainage sa buong Metro Manila ay puro luma na at kailangan na talagang isaayos o kaya ay tuluyan nang palitan.
Kasabay nito ay isinisi ng MMDA, ang kawalan ng disiplina ng ilan sa ating mga kababayan na wala umanong habas sa pagtatapon ng basura kung saan-saan kaya nagdudulot ito ng matinding pagbara na hindi na kaya ng kasalukuyang drainage. Ito umano ang tunay na dahilan kung bakit napakabilis nang pagtaas ng tubig-baha kahit hindi naman gaanong tuluy-tuloy ang pagbuhos ng ulan at inaabot naman ito ng anim hanggang 10 oras o higit pa bago humupa.
Sa ngayon ay inihahanda na ng MMDA ang retarding basin sa Estero de Valencia na inaasahang kakayanin na umano ang malakas na buhos ng ulan at hindi na magkakaroon ng pagbaha sa kahabaan ng España Boulevard, Manila na isa sa pinakamabilis na lumubog.
Ang retarding basin ay ang mga mabababang lugar na medyo malawak, ang pansamantalang inihahanda upang maging daluyan ng tubig baha sa oras na bumuhos ang malakas na pag-ulan. Karamihan umano sa inihahandang basin ay madamong lugar pa na puwede ring gamiting recreational area ng nakakasakop na komunidad sa panahon ng hindi tag-ulan at ang iba naman ay permanente nang imbakan ng tubig bilang pasuporta na rin sa biodiversity.
Inaasahang matatapos na umano ngayong taon ang retarding basin sa Estero de Valencia at ang layunin umano ito sa tulong ng mga pumping station ay ang zero-flooding na sa España. Ibig sabihin sa kabila ng mga hindi natin malilimutang karanasan sa pagbaha ay may nakikita pa tayong pag-asa kung agad nating paniniwalaan ang mga pahayag ng DPWH.
Bilang Chairperson ng Senate Committee on Public Works ay mahalaga sa atin ang pangakong ito ng DPWH at huwag sana nating pairalin ang katagang ‘nangako na gusto pang tuparin’ dahil walang ibang aasahan ang taumbayan.
Sana hindi na maulit ang nangyari nang ipatawag natin sa Senado ang DPWH kung saan ay buong giting na ipinagmamalaki ni DPWH Sec. Manuel Bonoan na handang-handa na umano ang kanilang ahensya, maging ang mga pumping stations sa buong National Capital Region (NCR) ay handa na rin na may “100 percent” capacity para sa darating na tag-ulan.
Dahil sa pahayag na ito ng DPWH ay marami sa ating mga kababayan ang nakampante sa kapuri-puring paghahanda na ito ng DPWH pero wala palang katotohanan at napakarami palang problema sa drainage kaya ang resulta ay kabi-kabilang baha dahil lamang sa nagdaang pag-ulan. Tatandaan namin ang pangako ng DPWH at ng MMDA na kahit medyo may katagalan pa ay pilit naming uunawain ang mahalaga ay may positibo tayong direksyon at sana lang tuparin ninyo at huwag puro press release.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments