top of page
Search
  • BULGAR

Young Gilas Pilipinas team sasabak na sa FIBA Asia Cup

ni VA / Anthony E. Servinio - @Sports | November 21, 2020




Huhugot ng positibong enerhiya mula sa mga kabataan na magbubuo ng Gilas Pilipinas sa darating na 2021 FIBA Asia Cup Qualifiers sa Manama, Bahrain mula Nobyembre 26 hanggang 30. Lilipad na papuntang Gitnang Silangan ang koponan bukas sa pamumuno ni Coach Joseph Uichico matapos ang mabilisang paghahanda sa Inspire Sports Academy sa Calamba City, Laguna.


Binubuo ang pambansang koponan ng mga PBA rookie draftees Isaac Go, Rey Suerte, Allyn Bulanadi, Mike Nieto at Matthew Nieto at mga pambato ng kolehiyo sa pangunguna ni NCAA Most Valuable Player Calvin Oftana at Kenmark Carino ng San Beda University, Angelo Kouame, Dwight Ramos, Dave Ildefonso at William Navarro ng Ateneo de Manila University, JD Tungcab, Javi Gomez de Liano, Juan Gomez de Liano at Kobe Paras ng University of the Philippines-Diliman at Justine Baltazar ng De La Salle University. Magsisilbing assistant coaches sina Boyet Fernandez ng San Beda at dating NBA player Alton Lister habang kasama si Coach Tab Baldwin ng Ateneo bilang Gilas Program Director.


Matagal nang nasa plano ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) na imbitahin ang mga kabataan para sa Gilas, nagkataon lang na maraming suliranin bunga ng kasalukuyang krisis sa kalusugan na pumigil sa pagsimula ng ensayo ng mas maaga. Nagpasalamat si SBP President Al Panlilio sa Inter-Agency Task Force, Philippine Sports Commission at Department of Foreign Affairs sa kanilang tulong upang matuloy ang paglahok ng Gilas sa Bahrain.


Ipinaliwanag ni Panlilio na hindi na nila pinatawag ang mga manlalaro ng mga koponan na tapos na ang kampanya sa PBA Philippine Cup. Malaki ang sakripisyo na ginawa ng mga pro sa mahigit isang buwan sa loob ng PBA bubble kaya minabuti ng SBP na pahingahin muna sila.


Ayon kay Coach Baldwin, mas mahalaga na magkaroon muna ng chemistry ang koponan bago sila tumuloy sa mga estratehiya. Dalawang beses sa isang araw ang kanilang ensayo subalit isa sa kanilang suliranin ang pagkakaroon ng walang katiyakan kung sino ang makakalaro nila.


Nagpahiwatig ang Timog Korea na hindi sila pupunta sa mga laro bunga ng pangamba sa COVID-19. Bigla rin nagbago ang kalendaryo at may sinisingit na laro kontra Indonesia na dapat ay sa Pebrero, 2021 pa gaganapin.


Ang sigurado pa lang ang dalawang laban kontra Thailand, kasama 'yung naudlot noong nakaraang Pebrero na dapat sa Pilipinas gaganapin. Bukas naman ang Gilas na laruin ang Indonesia subalit kailangang malinaw kung ito ay opisyal na laro o ensayo lang.


Kasama sa biyahe ang lahat ng 16 na manlalaro, pati si Kouame na nakabinbin pa rin sa Senado at Kongresso ang panukalang batas na gagawin siyang isang mamayanan ng Pilipinas. Kung sakali, handa ang Gilas na maglaro na puro Pinoy kung hindi maipasa ang batas.


Dagdag si SBP Chairman Emeritus Manuel V. Pangilinan na talagang isinulong ng FIBA na matuloy ang mga laro sa Bahrain dahil matagal nang walang Basketball sa buong mundo. Nag-alok din ang Pilipinas na maging punong abala para sa ikatlo at huling yugto ng mga laro ngayong Pebrero, 2021.


Samantala, ipaglalaban ng SBP sa FIBA na payagan ang mga manlalaro na hindi nakakuha ng pasaporteng Filipino bago mag edad 16 na maglaro bilang ganap na Filipino at hindi bibilangin bilang naturalized citizen. Ito ay sa gitna ng mga ulat na pinayagan ng FIBA ang 27 anyos na Indonesian-American forward Brandon Jawato na maglaro sa Bahrain bilang lokal na manlalaro kasama ang kanilang naturalized player na si Lester Prosper na dating PBA import ng Columbian Dyip at San Miguel Beer.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page