Young Azkals, naisahan ang Brunei, 2-1 sa AFF U-23
ni Anthony E. Servinio - @Sports | February 22, 2022

Nakamit ng Philippines Under-23 Football National Team ang inaasam na unang panalo laban sa Brunei, 2-1, Linggo ng gabi sa 2022 AFF Under-23 Championship Cambodia sa Prince Stadium ng Phnom Penh. Kahit wagi, hindi pa rin papasok ang mga Batang Azkals sa semifinals at hindi nakisama ang resulta sa kabilang laro.
Walang goal ang dalawang panig matapos ang first half at hinintay ang ika-48 minuto bago ipinasok ni Dennis Chung ang unang goal. Nabitawan ni Brunei goalkeeper ang bola at tumalbog ito papunta kay Chung upang buhayin ang kampanya ng mga Pinoy.
Hindi nagtagal ay dinoble ni Sandro Reyes ang lamang sa ika-58 minuto. Subalit naging saglit lang ang kasiyahan at naka-goal si Muhammad Hakeme Yazid matapos ang isang minuto.
Hindi hawak ng Batang Azkals ang buong kapalaran at nabura ang lahat ng pag-asa nila sa bisa ng 1-0 panalo ng Timor Leste sa Cambodia na sabay inilaro sa Morodok Techo National Stadium. Aksidenteng naipasok ni Yue Safy ng Cambodia ang bola sa goal ng kalaban sa ika-18 minuto at mula roon ay walang nakapigil sa martsa ng Timorese sa semis.
Nagtapos na numero uno ang Timor Leste sa Grupo A na may 7 puntos buhat sa dalawang panalo at isang tabla. Pangalawa ang Cambodia na may 6 na puntos at maghihintay ng mga resulta sa Grupo B at C kung makakapasok sa semis habang 3rd ang Pilipinas na may 4 puntos.
May tatlong buwan para maghanda ang Batang Azkals at bumawi sa Southeast Asian Games sa Mayo. Ang mga nakalaro nila sa nakalipas na mga araw ay tinatayang siya ring babalik para sa SEAG na limitado sa Under-23 o mga ipinanganak ng 1999 o mas bata.
Samantala, patuloy ang pananalasa ng COVID-19 sa torneo. Nagtagumpay ang Vietnam sa Singapore, 7-0, noong Sabado sa Grupo C kung saan napilitang maglaro ang Singapore na may 14 manlalaro lang bunga ng mga kaso sa koponan.
Ang Vietnam ang tinamaan at siyam sa mga atleta ang positibo papasok sa mahalaga nilang tapatan kontra Thailand ngayong Martes para makapasok sa semis. Pinag-aaralan pa ng Vietnam kung ano ang magiging susunod na hakbang.





Comments