Yosi kadiri, bawal sa sementeryo
@Editorial | October 29, 2022
Kasabay ng Undas, pinaalalahanan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang publiko na mahigpit na ipinagbabawal ang paninigarilyo sa mga sementeryo at memorial parks.
Lahat ng lokal na pamahalaan sa Kalakhang Maynila ay may ordinansa na nagbabawal sa paninigarilyo sa mga pampublikong lugar. Kasama riyan ang sementeryo, memorial parks at mga columbaria.
Kaugnay nito, inatasan na ang mga binuong Smoke-Free Task Forces na tiyaking nasusunod ang anti-smoking ordinances.
Ngayon, kung may mga pasaway talaga, multang P500 hanggang P5,000 ang kahaharapin.
Dapat talaga ay maging mas istrikto na ang kinauukulan sa pagpapatupad ng nasabing kautusan. Hindi lang ngayong Undas.
Kapansin-pansin na nagkalat na naman ang mga yosi kadiri. Talagang dedma sa mga larawang may babala na makikita sa kaha ng sigarilyo. Walang pakialam kung magkasakit o may madamay na iba.
Maawa tayo sa ating pamilya, kaibigan at kapwa na mas nalalagay sa alanganin ang buhay dahil sa ating kalokohan.
Kaya kailangan ding mas magsikap ang gobyerno kung paano pa mapipigilan ang masamang bisyo. Kung kailangang mas pabigatin ang parusa, gawin na.
Samantala, humahanga naman tayo sa mga nag-uumpisa nang mag-quit at sa mga tuluyan nang kumawala sa paninigarilyo.
Totoo 'yung sinasabi na kung gugustuhin ng tao na makaalis sa bisyo, tiyak na mangyayari at marami nang nakagawa.



Comments