Mas mataas na pamantayan sa barangay

by Info @Editorial | September 22, 2026

Ang panukalang dapat maging Civil Service eligible ang mga tatakbong barangay official ay naglalagay ng mas mataas na pamantayan sa pamahalaan. Kung ang barangay ang unang takbuhan ng mamamayan sa problema, reklamo at serbisyo, makatuwiran lamang na may sapat na kakayahan at kaalaman sa pamamahala ang mga nais mamuno rito.
Hindi dapat tingnan ang Civil Service Exam bilang simpleng dagdag na hadlang sa kandidatura. Maaari itong magsilbing paraan upang masukat ang pangunahing kakayahan ng isang kandidato sa pag-unawa sa mga patakaran, dokumento at responsibilidad na kaakibat ng serbisyo publiko. Hindi sapat ang kasikatan o dami ng kakilala kung ang kapakanan at pondo ng komunidad ang nakataya.
Gayunman, kailangang pag-aralang mabuti kung paano ito ipatutupad upang hindi maisara ang pinto sa mga karapat-dapat na lider na kulang lamang sa pagkakataong kumuha ng pagsusulit. Kung itutulak ang ganitong requirement, dapat tiyaking accessible ang examination, malinaw ang standards at may sapat na panahon ang mga nagnanais tumakbo upang makapaghanda.
Ang mas mataas na qualification ay may saysay lamang kung hahantong ito sa mas mahusay na serbisyo.
Kung nais nating gawing mas propesyonal at accountable ang pamamahala sa barangay, dapat pag-usapan nang seryoso kung anong minimum competency ang nararapat hingin sa mga gustong humawak ng kapangyarihan sa komunidad.



Comments