by Info @Editorial | Dec. 3, 2024
Ang pagdami ng mga menor-de-edad na nasasangkot sa kaso ng panghoholdap at iba pang ilegal na gawain ay isang malupit na salamin ng kalagayan ng ating lipunan.
Sa bawat ulat ng kabataang nahuhuli, isang tanong ang lumulutang: Ano ang nagtulak sa kanila para gumawa ng krimen?
Nito lamang, apat na kabataan ang nahuling nanghoholdap ng kapwa nila menor-de-edad. May bitbit na patalim habang kinukuha ang pera ng biktima. Ang kanilang rason, wala raw silang makain kaya nangholdap.
Ang mga kasong ganito ay hindi lamang tungkol sa mga bata na gumawa ng maling desisyon kundi tungkol sa mas malalim na ugat ng kahirapan, kakulangan sa edukasyon at ang kahinaan ng sistema ng suporta para sa kabataan.
Ang mga kabataang nasasangkot sa maling gawain tulad ng panghoholdap ay madalas na biktima rin ng mga sitwasyong wala silang kontrol.
Minsan ang mga kabataang ito ay nagiging target din ng mga sindikato na gumagamit sa kanilang kalikuan at pagkabata para isagawa ang mga krimen.
Dapat ay magkaroon ng mga aktibong programa na magtuturo ng tamang pag-uugali at pagpapahalaga sa bawat kabataan upang maiwasan ang pagkakaroon ng maling impluwensya mula sa labas.
Ang mga hakbang upang matugunan ang isyung ito ay hindi basta-basta. Kailangan ng pamahalaan at mga ahensyang may kinalaman sa edukasyon, kagalingang panlipunan, at batas na magsasanib-puwersa upang bumuo ng mas malawak na mga solusyon.
Sa huli, ang mga menor-de-edad na nasasangkot sa krimen ay hindi lamang mga salarin. Sila rin ay mga kabataang nangangailangan ng suporta, edukasyon, at pagkakataon upang magbago.
Tungkulin ng buong lipunan na magsama-sama upang matulungan ang ating mga kabataan na magtagumpay sa buhay at maiwasan ang maling landas.