Bilyones sa ‘ghost internet’, talupan

by Info @Editorial | September 23, 2026

Router na walang internet. Serbisyong posibleng binayaran ngunit hindi naihatid. Software na maaaring mas mura, luma o peke kumpara sa nakasaad sa kontrata. Ito ang nakababahalang larawan ng tinatawag na “ghost internet” scheme na ngayo’y iniimbestigahan ng Office of the Ombudsman.
Kung mapatutunayang totoo ang mga alegasyon, hindi simpleng technical glitch ang pinag-uusapan dito. Pera ng bayan ang nakataya—at ayon mismo sa Ombudsman, bilyun-bilyong piso ang sangkot sa mga kontratang sinusuri.
Mas nakakagalit ang posibilidad na napakasimple ng butas: dumating ang hardware, pumasa sa inspeksyon, at tila ipinagpalagay na kumpleto at gumagana rin ang software at serbisyo. Kaya mahalagang sagutin ang mga tanong ng Ombudsman: Talaga bang na-install at gumagana ang mga contracted site? May binayaran bang connectivity na hindi naman na-deliver? Makatarungan ba ang presyo? At higit sa lahat—sino ang nag-apruba, nagsertipika at nagpalabas ng bayad?
Hindi maaaring matapos ito sa palusot na “system failure” o “technical problem” kung may ebidensiyang magpapakitang may kapabayaan o katiwalian.
Ang libreng internet ay dapat nararamdaman ng estudyante, guro, manggagawa at ordinaryong mamamayang umaasa sa koneksyon.
Tama lamang na buksan ang mga kontrata.
Kailangang habulin ng Ombudsman ang katotohanan hanggang sa dulo.



Comments