Yes Kitty nagpakitang-gilas sa pista
ni Green Lantern - @Renda at Latigo | February 07, 2022
Ipinakita ni Yes Kitty ang kanyang tikas matapos manalo sa 2022 PHILRACOM Rating Based Handicapping System na inilarga sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite noong Sabado.
Sinakyan ni NC Lunar, ipinuwesto nito si Yes Kitty sa pang-apat bandang kalagitnaan ng karera upang panoorin ang nagbabakbakan sa unahan na sina High Honours at Birthright.
Nagtuloy ang ubusan ng lakas nina High Honours at Birthright bandang far turn habang malayong tersero puwesto si Yes Kitty.
Pero malakas ang pag-usad ni Yes Kitty pagsapit ng home turn at sa rektahan ay nag-aapoy ang remate nito kaya naman nanalo ito ng may dalawang kabayo ang agwat sa nasegundong Anika's Will.
Nirehistro ni Yes Kitty ang tiyempong 1:39. 4 minuto sa 1,500 meter race sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM). Nasikwat ng winning horse owner ng kabayong Yes Kitty ang added prize na P5,000, segundo si Anika's Will habang tersero at pang-apat na dumating ng meta sina High Honours at Birthright ayon sa pagkakasunod.
Samantala, atat nang mapanood muli ng mga karerista sa pista ang tatlong kontrobersyal na kabayo na sina Super Swerte, Boss Emong at Sky Shot.
Nagsaad ng pagsali sina Super Swerte, Boss Emong at Sky Shot sa 2022 Commissioner's Cup na ilalarga sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite sa Pebrero 20.
May distansiyang 1,600 meter race, makakatagisan ng bilis ng tatlong nabanggit na kabayo sina War Cannon, Union Bell, Best Regards, Son Also Rises at 2020 PGC ruler Pangalusian Island.
Nagharap ang tatlong tigasing kabayo sa nakaraang 2021 Presidential Gold Cup.
Nakalaan ang guaranteed prize na P2.5M sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM). Kukubrahin ng mananalong kabayo ang tumataginting na P1.5M, kukubrahin ng second placer ang P500,000 habang mapupunta sa third at fourth ang tig-P250,000 at P125,000 ayon sa pagkakasunod.
Masusungkit din ng fifth at sixth ang P75,000 at P50,000 habang may P100,000 ang mapapanalunan ng breeder ng winning horse.





Comments