Yearender: Mabigat sa fun run at marathon ang krisis ng 2020

ni Anthony E. Servinio - @Sports | December 29, 2020

Matapos ang isang dekada ng patuloy na pag-usbong, ang industriya ng marathon at fun run sa Pilipinas ay biglang bumangga sa sinasabing pader dulot ng dumating na krisis sa kalusugan. Subalit hindi pa tapos ang karera at determinado ang mga mananakbong Pinoy na magtagumpay, tawirin ang finish line at makamit ang inaasam na medalya.
Literal na isa-isang nabura ang buong kalendaryo ng mga patakbo simula noong Marso, ang buwan na karaniwang hudyat ng lingguhang mga karera sa Kalakhang Maynila at karatig na lalawigan. Tanging ang MILO Marathon National Finals lang ang malaking karera na natapos ng maayos noong Enero 19 sa Tarlac City.
Kinoronahan balot ng matinding drama at emosyon ang bagong Hari at Reyna ng MILO na sina Jerald Zabala at Christine Hallasgo. Winakasan ni Hallasgo ang anim na taon sa trono ni Mary Joy Tabal habang sinundan ni Zabala ang yapak ng dating kampeon Rafael Poliquit na pumanaw noong Abril, 2019.
Ito na rin ang unang pagkakataon na ginanap ang MILO Marathon sa Enero imbes na sa Disyembre upang magbigay daan sa 2019 SEAG. Pinatunayan din ni Hallasgo na hindi tsamba ang pagwawagi niya ng ginto sa SEAG laban kay Tabal na kinuha ang pilak.
Kahit lumalalim ang banta ng COVID-19, patuloy pa rin ang pagpapakilala sa mga bagong fun run o ang pagbabalik ng mga sikat na prangkisa sa mga unang buwan ng 2020. Sa umiral na community quarantine ay nagpasya ang karamihan na ipagpaliban muna ang mga karera.
Ayon sa mga inilatag na patakaran ng Inter-Agency Task Force (IATF), mahigpit na inutos na manatili sa loob ng tahanan at lalong bawal ang mga malakihang pagtitipon gaya ng fun run. Sa pagluwag ng community quarantine, pinayagan ang pagtakbo mag-isa sa kalsada na may kasamang health at safety protocol kaya nakaisip ng solusyon ang mga organizer at ginawang virtual race ang mga naudlot na foot races.
Nagsulputang parang kabute ang mga virtual race kung saan oorasan at susukatin ang sariling takbo gamit ang relos, apps o treadmill at ipapadala ang resulta sa kinauukulan kapalit ang medalya at t-shirt. Kasabay din nito ang mataas na benta sa presyo ng treadmill upang makapag-ensayo ng ligtas sa loob ng sariling tahanan.
Lumitaw muli ang bayanihan ng mga Filipino at marami sa virtual run ay ginamit na paraan upang makalikom ng pondo para labanan ang COVID-19 at tulungan ang frontliners at mga biktima. Walang itinatanghal na kampeon subalit ang tagumpay ng virtual race ay tagumpay din laban sa kumakalat na sakit.
Sa balitang parating na ang mga bakuna laban sa COVID-19, ito ang maaaring maging hinihintay na susi upang mabalik ang mga nakagawiang marathon at fun run sa 2021. Ngayon pa lang ay naka-reserba na ang mga petsa at lugar ng ilan bilang senyales ng positibong pananaw ng organizer na sa huli ay mananaig pa rin ang mananakbong Filipino.





Comments