Yayaman sa pagpasok sa pulitika at ‘di dahil sa mga nunal sa mukha
- BULGAR
- Aug 12, 2021
- 3 min read
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| August 12, 2021
Dear Maestro,
Matagal na akong sumusubaybay sa inyong mga kolum at nanonood sa inyong mga show sa BULGAR Online at BULGAR TV. May tanong ako tungkol sa nunal. Mayroon akong nunal sa kanang bahagi ng mukha, sa may pisngi at gawing itaas, at sabi ninyo ay susuwertehin ang mga taong may ganitong nunal, pero bakit hanggang ngayon ay tila kakambal ko pa rin ang kahirapan at kamalasan sa buhay? Kailan ba ako susuwertehin, kapag ba pantay na ang aking mga paa o hindi na ako makagulapay dahil sa sobrang katandaan?
Simple lang naman ang pangarap ko at ‘yun ay ang mapagtapos ng pag-aaral ang anim kong anak at magkaroon kami ng sariling bahay at lupa. Matutupad ba ito at paano ako susuwertehin? April 18, 1968 ang birthday ko.
Umaasa,
Majorie ng Bagong Barrio, Pandi, Bulacan
Dear Majorie,
Alam ko kung bakit kahit may nunal ka sa kanang bahagi ng pisngi ay hindi ka pa rin sinusuwerte, gayung ayon sa Molesophy (sining at siyensiya na nag-aaral at nag-i-interpret ng iba’t ibang nunal at mga pekas sa balat ng tao upang alamin ang kanilang natatagong ugali at sadlakang kapalaran), suwerte ang anumang nunal na matatagpuan sa kanang bahagi ng mukha.
Tulad ng nasabi na, sigurado akong bukod sa nunal sa kanang bahagi ng pisngi, marami ka pang ibang nunal sa mukha at malamang na may iba’t ibang nunal ka rin sa kaliwang bahagi ng iyong mukha o pisngi.
Ito ang dahilan kaya ang nunal sa kanang bahagi ng iyong mukha ay tila nababalewala ang kapangyarihan. Ito ay dahil hindi ‘yan “independent mole” o sa mas klarong paliwanag, kinokontra ng iba pang mga nunal sa kaliwang bahagi ng mukha ang suwerte sanang nunal sa kanang bahagi ng mukha.
Kaya ang ibang tao na napakaraming nunal sa mukha, bihira at mahihirapan talaga silang suwertehin dahil “scattered” o nagkalat ang “lucky at unlucky charm” na nirerepresinta ng mga nunal sa iba’t ibang bahagi ng mukha.
Ngayon, kung tama ang ating sapantaha na may nunal ka nga sa kanang pisngi na simbolo ng suwerte, pero hindi naman makalutang ang magandang kapalaran dahil marami ka ring nunal sa kaliwang pisngi, mas mabuting pagtuunan ng pag-aanalisa ang birth date mong April 18, 1968 upang matuklasan natin sa pamamagitan ng Astro-Numerology ang iba pang paraan o teknik upang ikaw ay suwertehin at kung paano matutupad ang mga pangarap mo sa buhay.
Samakatuwid, ikaw ay under sa zodiac sign na Aries sa birth date na 9 (ang 18 ay 1+8=9) at sa destiny number na 1. Naging 1 ang destiny number mo dahil ang April 18, 1968 ay may ganitong kompyutasyon 4+18+1968=1990/ 19+90=109/ 10+9=19/1+9=10/ 1+0=1.
At alam mo ba kung saan ka susuwertehin? Sa pamumulitika at paglilingkod sa bayan. Kaya ngayon pa lang, maghanap ka na ng mga gawain na maaaring makatulong ka sa inyong barangay o makilahok ka sa mga gawaing may kaugnayan sa public service, habang puwede ring maging daan mo ay sa relihiyon patungo sa politics.
Basta ang mahalaga, makahanap ka ng daan upang makapaglingkod nang libre, bukal sa loob at walang bayad sa iyong mga kababayan. Sa ganyang paraan, kapag nasa poder ka na o nagkaroon ng posisyon sa inyong barangay o bayan, doon ka na magsisimulang suwertehin. Gayundin, unti-unti at isa-isa nang matutupad ang mga pangarap mo sa buhay, sa tulong din ng mga tao na magiging koneksiyon mo sa pamahalaan at ibang pang pribado at mayayamang indibidwal.
Kaya dahil ikaw ay isang Aries, may double strong na number na 9 at 1, at sabi nga natin ay marami kang nunal sa mukha, ngayon pa lang ay maglalabas ka na ng bahay dahil kailangan mong gamitin ang nasabing mga datos upang maipakita sa iyong kababayan ang kahalagahan ng iyong talento at nalalaman. Kapag nakilala ka nila bilang mahusay na public servant, tulad ng inaasahan, doon magsisimula ang iyong malaking suwerte hanggang sa tuloy-tuloy ka nang lumigaya at umunlad, matupad ang iyong mga pangarap na mapagtapos ang iyong mga anak sa pag-aaral at sa bandang huli, dahil na rin sa paglilingkod sa bayan, kusa ka na ring magkakaroon ng bahay at lupa.
Ang pangyayaring tinuran, na susuwertehin ka sa paglilingkod sa iyong mga kababayan ay inaasahang magsisimulang maganap sa taong kasalukuyan hanggang sa mga susunod pang taong 2025, sa edad mong 57 pataas.



Comments