Yantok at karapatang-pantao

ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan | December 14, 2020
Ayon kay police Lt. General Cesar Binag, namumuno sa Joint Task Force COVID Shield, gagamitin ng kapulisan ang isang metrong yantok upang sukatin ang naturang social distancing at ipinahihintulutan silang paluin ng yantok ang mga hindi sumusunod sa mga lugar tulad ng palengke, shopping centers at simbahan.
Salamat na lang at bago lumawig ang usaping ito, tinutulan na ng Malacañang sa pamamagitan ni Secretary Harry Roque na nagpahayag ng ganito: hindi pupuwedeng gamitin ‘yan na pang-hit o pampalo dahil hindi naman ‘yan pinapayagan sa ating batas at regulasyon ng PNP.
Mabuti na lang at hindi pinahintulutan ng Malacañang ang planong manukat at manghampas ng mga hindi tumutupad sa “social distancing protocol.” Mabuti na lang at pinigilan ang muling paglaganap ng karahasan tulad ng sinimulan ng Pangulo sa kanyang mararahas na pahayag laban sa mga nasasangkot sa ilegal na droga, tulad ng gumagamit at lalo’t higit ng mga nagtutulak nito. Nagulat sa simula ang marami sa mga mababangis na hamon, paratang at pati na utos na paulit-ulit maririnig ang salitang: patayin, patayin, patayin! Mahirap lang din maunawaan bakit pinahinto bigla ang paggamit ng yantok samantalang mahigit apat na taon nang hindi pinahihinto ang paggamit ng baril o bala sa kabila ng libu-libo nang pinapatay sa ilalim ng programang war on drugs?
Ngunit mabuti na rin at ipinahinto ito ng Malacañang sa araw ng Pandaigdigang Araw ng karapatang-pantao. Sadyang napakapangit at sintunadong pahintulutan ang paggamit ng yantok sa pagpapatupad ng “social distancing.” Hindi ito nalalayo sa pagpapahintulot na paluin at saktan ang mga bata bilang parusa sa mga paaralan at tahanan.
Sa totoo lang, merong batas na sumasaklaw sa sari-saring uri ng pananakit at pang-aabuso sa mga bata. Hindi ba napapaloob sa batas ang paggalang sa dangal at dignidad ng bawat tao, bata man o matanda, anumang kasarian, estado o pinag-aralan at iba pa.
Hampas o tulak ng yantok sa halip ng marahan at epektibong paggamit ng salita. Malinaw na hindi nagkukulang ang pamahalaan sa paggamit ng wika o salita sa pagpaparating ng anuman, mula batas o simpleng patakaran tungkol sa mga ordinaryo at hindi seryosong mga bagay.
Nawawalan na ba ng bisa ang wika na galing sa pamahalaan? Ano ba ang batayan ng salita upang ito ay maging kapani-paniwala?
Sa halip na yantok, wasto at epetibong paggamit ng salita ang ituro sa kapulisan. Sa halip na parusa at pananakit, bigyang-diin ang edukasyon at paghubog ng buong pagkatao ng bawat mamamayan tungo sa pagiging magalang, matulungin, mapagkalinga at marangal na pakikitungo sa lahat.





Comments