Yaman ng lahat ng gov’t officials, ilantad
ni Pablo Hernandez III @Prangkahan | October 14, 2023
PARANG NABUNUTAN NG TINIK SA LALAMUNAN ANG MGA TINANGGALAN NG KAMARA NG CONFI FUNDS, KASI SA SALITA NI SEN. ANGARA PARANG IBIBIGAY ANG HINIHINGI NILANG CONFI FUNDS -- Pinabulaanan ni Sen. Sonny Angara, chairman ng Senate Committee on Finance ang sinabi ni Ako Bicol Partylist Rep. Elizaldy Co, chairman ng House Committee on Appropriations na may kasunduan na ang Senado at Kamara na tatanggalin ang confidential funds ng mga civilian agency, at ire-realign ito sa mga ahensya na may mandato sa law enforcement and national security.
Dahil sa sinabing ‘yan ni Sen. Angara, “parang nabunutan ng tinik sa lalamunan” ang mga civilian agency na nanghihingi ng confidential funds, kasi sa tema nga naman ng salita ng senador, na ‘yung confi funds na tinanggal sa kanila ng Kamara ay ibabalik at ibibigay sa kanila ng Senado, tsk!
◘◘◘
PARA SA KAPAKANAN NG ‘PINAS, DAPAT TULARAN NG SENADO ANG GINAWA NG KAMARA NA PAGTANGGAL SA CONFI FUNDS NG MGA CIVILIAN AGENCIES AT LAKIHAN ANG BUDGET NA PANG-NATIONAL SECURITY -- Sa kabila na malaki ang confidential and intelligence funds ng Israel Defense Force (IDF) ay nagawa pa rin ng Palestinian-Hamas Islamist Group na magsagawa ng sorpresang pagsalakay sa Israel na ikinamatay ng maraming Israelis, pati mga dayuhan, kabilang sa napatay ang dalawang overseas Filipino workers (OFWs) na nadagdagan pa ngayon ng isang Pinoy na nasawi.
Ang nais nating ipunto rito, ay para maiwasan ng Pilipinas ang nangyari sa Israel na sorpresang nasalakay ng kanilang mga kalaban, at para sa kapakanan ng bansa, sana gayahin ng Senado ang ginawa ng Kamara na tinanggalan ng confi funds ang mga civilian agency, at nilakihan ang confi funds ng mga ahensyang may mandato sa national security, period!
◘◘◘
FAKE NEWS NG MGA DDS BLOGGERS AT VLOGGERS NA MAY CONFI FUNDS ANG SENADO AT KAMARA, BUTATA AGAD -- Butata agad ang inabot ng mga Duterte Diehard Supporters (DDS) bloggers at vloggers na nagpapakalat ng fake news na may confidential funds daw ang Senado sa pamumuno ni Senate Pres. Migz Zubiri at Kamara sa pamumuno naman ni Speaker Martin Romualdez.
Sabi kasi ni Senate Secretary General Renato Bantug, sa ilalim ng leadership ni SP Zubiri ay wala raw confidential fund ang Senado, at ayon naman kay House Secretary General Reginald Velasco, na sa leadership ni Speaker Romualdez, ay wala rin confi fund ang Kamara.
At dahil nabutata agad, wala nang follow-up na fake news ang mga DDS bloggers at vloggers sa isyung ito, boom!
◘◘◘
MAPUPURI ANG OMBUDSMAN AT MARCOS ADMIN KAPAG OPEN NA ULI SA PUBLIKO ANG SALN NG MGA GOV’T. OFFICIALS -- Ngayong Marcos administration na, sana ay i-open na ni Ombudsman Samuel Martires sa publiko ang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ng lahat ng gov’t. officials.
Ang ginawa kasi ni Ombudsman Martires, sa panahon ng Duterte admin, porke ayaw ilantad ni ex-P-Duterte ang kanyang SALN noong siya pa ang presidente ng bansa, eh ang ginawa ng Office of the Ombudsman ay hinigpitan ang pagri-release ng SALN, na halos ayaw nang magbigay sa mga taong nanghihingi ng SALN ng mga gov’t. officials.
Kapag ibinalik ng Office of the Ombudsman ang dating gawain nito na maluwag na pagbibigay sa publiko ng SALN ng mga gov’t. officials, ay tiyak hindi lang si Ombudsman Martires ang mapupuri ng mamamayan, kundi pati ang Marcos admin, period!





Comments