WPS, babantayan ng 9 na bansa
- BULGAR
- Sep 19, 2023
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | September 19, 2023
Nasa walong bansa ang nagpahayag ng kagustuhang makilahok sa joint maritime patrols sa West Philippine Sea (WPS).
Ayon kay Armed Forces of the Philippines (AFP) spokesperson Col. Medel Aguilar, ang mga bansang interesadong makiisa sa pagpapatrol ay Amerika, Japan, Australia, Malaysia, France, India, Canada, at Singapore.
Una nang binanggit ni AFP chief General Romeo Brawner Jr. na marami pang mga bansa ang nagpahayag ng kanilang pagnanais na sumali sa joint sail missions kasama ang Pilipinas.
Magandang indikasyon ito para sa bansa na may mga tinatawag na “like-minded” nations na nais palakasin ang rule-based international order at panatilihin ang seguridad sa Indo-Pacific region, ani Brawner.
Gayunman, sinabi ni AFP-Western Command Commander Vice Admiral Albert Carlos na kailangang pag-aralang maigi ang inaalok na tulong ng ibang bansa pagdating sa usapin ng WPS.
Aniya, wala pang desisyon kung gagawin natin ang joint patrol dahil nananatili pa rin ito sa table o pinag-uusapan.
Mahalaga ang pagkakaroon ng Pilipinas ng alyansa mula sa matatag na mga bansa lalo na sa pagbabantay ng ating teritoryo.
Batid naman natin na matindi ang ginagawang pambu-bully ng China, maging ang iresponsable at agresibong mga aksyon ng China Coast Guard sa WPS.
Pero kung may mga bansang magbibigay ng suporta sa atin, tiyak na magdadalawang-isip ang mga itong kumilos ng basta-basta.
Subalit, dapat rin nating ikonsidera na pag-aralang mabuti ang alok ng mga naturang bansa kung makakabuti sa atin, at alamin natin ang kanilang tunay na intensyon kung para tayo ay talagang tulungan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments