top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Work-from-home setup, bawas-kalbaryo sa mga manggagawa

BULGAR
Jun 26, 2022
2 min read

ni Ryan Sison - @Boses | June 26, 2022


Malaking tipid sa transportasyon, pagkain at damit pang-opisina, at mas may panahon sa pamilya.


Ito ang hangad ng mga manggagawang nais makabalik sa work-from-home set up matapos magbalik-on site ngayong buwan.


Naging kalbaryo kasi para sa mga manggagawa sa Metro Manila ang araw-araw na pagko-commute papasok ng trabaho. Tuwing rush hour, matinding siksikan at trapik ang kanilang kalaban at idagdag pa ang tumaas na presyo ng pamasahe. At hindi pa r’yan nagtatapos dahil nabawasan pa ang mga bumabiyaheng bus at jeep dahil sa taas ng presyo ng petrolyo.


Kaya ang tanong ng mga manggagawa, hindi ba puwedeng ipagpatuloy na lang ang work-from-home arrangement?


Gayunman, iginiit ni Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion na hindi puwedeng lahat ay mag-work-from-home dahil may mga industriya na kailangan ng manual labor tulad ng supermarket.


Habang sa panig ng employers, kailangan umanong pag-aralan muna kung talagang mas epektibo ang work-from-home employees.


Matatandaang unang ipinatupad ang work-from-home arrangement nang kinailangang isailalim ang lockdown dahil sa pandemya. Maraming nakapagpatuloy ng hanapbuhay nang hindi kinakailangang lumabas ng bahay, ibig sabihin, mas ligtas sa virus.


Kaya pakiusap sa mga kinauukulan, bagama’t ‘di ito maipatutupad sa lahat, kung epektibo sa ibang industriya, pag-aralan kung kakayaning gawing permanente o magkaroon ng hybrid setup.


Malaking tulong din kasi ang work-from-home arrangement para makabawas sa trapik at dami ng komyuter. Gayundin, makakatipid sa pamasahe ang mga ito at tipid naman sa gasolina ang mga nakapribadong sasakyan. Kaya kung mapahihintulutan, malaking ginhawa ito sa mga manggagawa.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page