Women's Nat'l Basketball League tampok ang 10 koponan sa 3X3
ni Anthony E. Servinio - @Sports | August 6, 2022

Magbabalik ang Women’s National Basketball League (WNBL) 3x3 ngayong Sabado sa Muntinlupa Sports Center simula 8 a.m. Sumpang koponan sa pangunguna ng magkapatid na Uratex Dream at Uratex Tibay at host Angelis Resort ang magkakaalaman sino ang tunay ng reyna ng tatluhan sa ika-apat na yugto ng serye.
Determinado ang Dream na mabawi ang korona na inagaw sa kanila ng Taguig Lady Generals sa pangatlong yugto noong Abril sa Red Arc Gym ng Balagtas, Bulacan. Hindi kalalahok ang Lady Generals ngayon subalit hindi garantisado na magiging madali ang daan para sa Dream na kinatatampukan ng mga pangunahing manlalaro ng bansa ayon sa FIBA Ranking na sina Kaye Pigol, Trina Deacon, Alyssa Villamor at Shanda Angelica Anies.
Nabunot ang Dream sa Grupo B kasama ang Bicygnal at ang tatlong bagong koponan na We Got Next, Royal Eagles-Davao at Got Game. Maaaring gumuwa ng gulat ang Bicygnal sa likod ng beterana ng 2022 FIBA 3x3 Asia Cup na si Trina Guytingco at mga kakamping sina Pam Payac, Cara Buendia at Melissa Newsome.
Parehong nasa Grupo A ang Angelis at Uratex Tibay kasama ang Boosted Pangasinan, Panukalan Quezon at STAN Quezon Lady Spartans. Tiyak na gagamitin ng Angelis ang home court advantage tampok sina Jenina Solis, Blanche Bahuyan, Boom Moslares at ang baguhang si Jacqueline Alvarez.
Patuloy na hahanapin ng Tibay ang kanilang unang kampeonato sa likod nina Eunique Chan, Samantha Harada, Kat Quimpo at Joan Grajales. Dapat din bigyan ng pansin ang Lady Spartan sa kanilang unang sabak sa 3x3 at maglalaro muli ang kanilang coach na si Iriss Isip kasama sina Nicole Cancio, Kikay Gandalla at Jollina Go.
Walang pagbabago at maglalaro ng single round o tig-apat na beses bawat koponan.
Ang dalawang may pinakamataas na kartada sa bawat grupo ay tutuloy sa knockout semifinals at finals. Nanatiling layunin ng WNBL 3x3 na pataasin ang antas ng Pilipinas sa FIBA Ranking upang makalahok sa 2024 Paris Olympics. Kasalukuyang nasa ika-56 ang bansa sa buong mundo at ika-15 sa Asya.





Comments