top of page

Wizards, naisahan ang Lakers; James, bawi sa taas ng puntos

  • BULGAR
  • Mar 21, 2022
  • 2 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | March 21, 2022




Lalong nalagay sa alanganin ang kampanya ng Los Angeles Lakers sa NBA matapos magwagi sa kanila ng Washington Wizards, 127-119, kahapon sa Capital One Arena. Kahit bigo, umakyat si LeBron James sa pangalawang may pinakaraming puntos sa 75-taon kasaysayan ng liga at nilampasan ang alamat na si Karl Malone.

Pumasok si James na kailangan ang 20 puntos lang upang mahigitan ang 36,928 ni Malone sa 1,476 laro mula 1985 hanggang 2004 – 18 taon sa Utah Jazz at isa at huli bilang bahagi ng Lakers. Ipinasok ni LBJ ang 3-points upang mapantayan si Malone na may 7:51 nalalabi sa 2nd quarter at nakamit ang karangalan pagsapit ng 5:20 sa kanyang buslo na nagbigay sa Lakers ng 51-44 lamang.

Subalit may ibang plano ang Wizards at binahiran nila ang gabi ni James at Lakers matapos ang matinding 4th quarter sa likod ni Kristaps Porzingis na gumawa ng 16 ng kanyang 27 puntos. Tinuldukan ni Porzingis ang kanyang magandang laro sa pandiin na tres na nagbigay sa Wizards ng 125-119 lamang at 39 segundo sa orasan.

Nagtapos si James na may 38 puntos at 10 rebound at hindi niya napigilan bumaba ang Lakers sa 30-41 at pang-siyam sa Western Conference, kalahating laro na lang ang lamang sa humahabol na ika-10 New Orleans Pelicans na 29-41. Ang mga koponan na magtatapos sa ika-7 hanggang ika-10 puwesto sa regular season ay daraan muna sa Play-In Tournament upang matukoy sino ang makakakuha ng ika-7 at ika-8 puwesto sa Playoffs ngayong Abril.

Susunod para kay James ang lampasan ang 38,387 puntos ng isa pang alamat ng Lakers na si Kareem Abdul Jabbar upang maging numero uno pagdating sa puntos sa NBA. Sa itinatakbo ng kanyang laro habang umiiwas sa pagliban, tinatayang mapupunta kay LBJ ang karangalan sa kalagitnaan ng 2022-2023 NBA.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page