Withdrawal at online transfer, aprub daw sa utol… KIM, IDINAWIT NI LAKAM SA NAWAWALANG PERA NG NEGOSYO NILA

ni Beth Gelena @Bulgary Files | September 24, 2026

Photo: Kim Chiu - Lakambini Chiu
Bahagyang ibinaba ng Quezon City (QC) court ang piyansa ng nakatatandang kapatid ni Kim Chiu na si Lakambini ‘Lakam’ Chiu, na nahaharap sa 124 counts ng qualified theft kaugnay ng umano’y pagkuha ng corporate funds sa kanilang negosyo ng aktres.
Mula sa dating P5.8 milyon, naging P5.6M ang piyansa ni Lakam, ayon sa kanyang abogado na si Atty. Dominic Solis.
Maaari pa umanong maging P2.8 milyon ang kailangang bayaran kung cash bond ang gagamitin, habang mananatili sa P5.6 milyon kung surety bond naman.
Kasabay ng bagong development sa piyansa, nilinaw naman ng kampo ni Kim na hindi personal na away nilang magkapatid ang dahilan ng pagsasampa ng kaso laban kay Lakam.
Ayon sa abogado ni Kim at ng House of LittleBunny Philippines, Inc. (HOLB) na si Atty. Margrein Archernar M. Gregana, ang mga kasong kinakaharap ni Lakam ay may kinalaman sa umano’y corporate funds ng kanilang kumpanya.
Iginiit ng abogado na ang legal na hakbang ay isinagawa ng HOLB, kung saan shareholder si Kim, upang mabawi ang nawawalang pondo at mapanagot ang mga sangkot.
Pahayag ng kampo ng aktres, “TO BE CLEAR, these actions were taken strictly by HOLB, in which Ms. Kim Chiu is a shareholder, to recover the company’s missing funds and ensure accountability among those involved.”
Dagdag pa ng abogado, “The corporation is duty-bound to act to prevent further financial losses.”
Nilinaw din ng kampo ni Kim na ang kasalukuyang complaint ay tumutukoy lamang sa isang bahagi ng mga pangyayaring sinasabing naganap noong 2025.
Gayunman, batay sa mga naunang record ng kaso, si Kim mismo ang nagsampa ng qualified theft complaint laban kay Lakam noong December 2025 matapos niyang matuklasan ang umano’y malalaking financial discrepancies sa kanilang negosyo.
Umabot sa P44.396 milyon ang halagang sangkot sa kaso, na may kinalaman sa umano’y withdrawals at online transfers mula sa corporate bank accounts ng House of LittleBunny Philippines, Inc., ang fashion business na itinayo nina Kim at Lakam.
Batay sa Office of the City Prosecutor of Quezon City, ang mga pondong sangkot ay bahagi ng sales at revenues ng HOLB at hindi personal na pera ng magkapatid.
Mariin namang itinanggi ni Lakam ang alegasyon. Iginiit niyang joint accounts ang ginagamit nila ni Kim at nagkaroon umano sila ng pagkakaunawaan na maaari ring gamitin ang pera sa iba pa nilang business ventures.
Naaresto si Lakam noong September 20 sa Mandaluyong City sa bisa ng warrant of arrest mula sa QC Regional Trial Court (RTC).
Kasalukuyan siyang nakadetine sa custodial facility ng Kamuning Police Station. Patuloy ang legal na proseso at wala pang pinal na desisyon ang korte sa mga kasong kinakaharap ni Lakam.
Pinayagan ng GMA-7…
ROCHELLE, BALIK-EAT BULAGA! KASAMA ANG SEXBOMB
Hindi pa rin maka-move on si Rochelle Pangilinan sa muling pag-apak sa entablado ng Eat… Bulaga! (EB!) kasama ang Sexbomb Girls noong Sabado, Setyembre 19.
Nag-perform ang grupo ng kanilang hit song noon na Baile at bagong single na Mama Mama.
Matapos ang ilang taon, muling nagsama-sama ang grupo sa noontime show na naging malaking bahagi ng kanilang pagsikat at naging tahanan din ni Rochelle sa pagsisimula ng kanyang showbiz career.
Sa kanyang social media post matapos ang kanilang pagbabalik, emosyonal na ibinahagi ni Rochelle ang kanyang nararamdaman.
“‘Di pa rin ako maka-move on sa pagbalik namin sa EB! stage. Ibang klaseng saya, ibang klaseng feeling… lalo na’t dito nagsimula ang napakaraming pangarap, kuwento at alaala ng Sexbomb Girls.
“Parang kahapon lang… pero ang sarap balikan.
“Maraming salamat, Eat… Bulaga! sa muling pag-uwi sa amin sa entabladong naging
malaking bahagi ng buhay namin,” ani Rochelle.
Lalo pang naging makahulugan ang kanilang pagbabalik dahil nitong Agosto lamang ay hindi nakasama si Rochelle sa guesting ng Sexbomb Girls para sa 47th anniversary ng Dabarkads noontime show. Noong panahong iyon, naiulat na hindi siya pinayagang mag-guest dahil nasa kabilang network siya.
Una munang nagtanghal ang Sexbomb Girls bago tuluyang lumabas si Rochelle. Naging bahagi pa ng biruan ng mga hosts ang kanyang pagkawala bago siya ipinakilala at nag-grand entrance sa entablado.
Well, sa muling pagsasama ng grupo, hindi rin napigilang maglabas ng emosyon ang kanilang mga fans.
“Super-inabangan ko ‘yung pag-guest n’yo sa EB!. Isa po ako sa mga pinalaki ng Sexbomb kaya super-nakaka-excite na makita kayo ulit sa EB! stage.”
“Welcome back. At least, maayos na muli ang inyong samahan sa Dabarkads. More power to you, Rochelle.”
“Dahil marunong kayong lumingon sa pinanggalingan, makakarating kayo sa inyong paroroonan...”
Well, may mga humanga sa GMA-7 dahil pinayagan nila si Rochelle sa EB! kaya naging posible ang reunion ng Sexbomb Girls.





Comments