top of page
Search
  • BULGAR

Williams, Harden at Siakam, sakalam

ni Anthony E. Servinio - @Sports | January 17, 2022





Lalong humigpit ang karera para sa liderato ng NBA Eastern Conference at isa-isang lumapit ang mga humahabol sa numero unong Chicago Bulls. Kinuha ng Brooklyn Nets at Philadelphia 76ers ang pagkakataon matapos gulatin ng Boston Celtics ang bisitang Bulls, 114-110, kahapon sa TD Garden.


Bayani para sa Celtics si sentro Robert Williams III na ipinasok ang dalawang free throw upang itabla ang laban na may 31 segundo sa orasan, 112-112. Matapos ang magandang depensa, bumalik si Williams para sa dalawang nagpapanalong free throw na may siyam na segundo pa na sinundan ng mintis ni DeMar DeRozan sabay ng huling busina.


Nanguna sa Boston ang mga All-Star Jayson Tatum na may 23 puntos at 12 rebound at Jaylen Brown na may 19 puntos. Hindi naglaro si Zach LaVine sa Bulls subalit tumanggap ang koponan ng magandang balita na walang nakitang sira sa kanyang tuhod na napilay laban sa Golden State Warriors.


Umakyat sa pangalawa sa East ang Brooklyn sa bisa ng 120-105 panalo sa bisitang New Orleans Pelicans. Napilay ang tuhod ni Kevin Durant na may 5:38 nalalabi sa second quarter at hindi na bumalik subalit masyadong malakas ang Nets na pinangunahan nina James Harden na may 27 puntos at 15 assist, Patty Mills na may 21 puntos at reserba rookie Cam Thomas na may 20 puntos.


Hinatak pababa ng bisitang 76ers ang dating pangalawang Miami Heat, 109-98, sa likod ng 32 puntos at 12 rebound ni Joel Embiid. Bumanat para sa 13 ng kanyang 30 puntos sa fourth quarter si Pascal Siakam para patumbahin ng Toronto Raptors ang World Champion Milwaukee Bucks, 103-96, habang 27 puntos at 18 assist si Darius Garland upang maging susi sa 107-102 tagumpay ng Cleveland Cavaliers sa Oklahoma City Thunder.


Sa Western Conference, dinurog ng 37 puntos ng Denver Nuggets ang Los Angeles Lakers, 133-96. Panalo ang Portland Trail Blazers sa Washington Wizards, 115-110, at New York Knicks sa Atlanta Hawks, 117-108. Hindi nagpahuli ang San Antonio Spurs at pinatahimik ang LA Clippers, 101-94, at wagi ang Dallas Mavericks sa pinakakulelat sa NBA na Orlando Magic, 108-92.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page