WHO: COVID-19 cases sa buong mundo, bumaba na
ni Ryan Sison - @Boses | February 25, 2022
Bumaba na ang bilang ng mga tinatamaan ng COVID-19 sa buong mundo.
Ito ang kinumpirma ng World Health Organization (WHO), kung saan bumaba na umano nang 21% o 13 milyon ang bilang ng nagkakasakit sa buong mundo mula Pebrero 14 hanggang 20.
Ito ay sa kabila ng pagtatala pa ng 29% pagtaas ng COVID-19 cases sa Western Pacific Region, kung saan kabilang ang Pilipinas sa naturang panahon.
Gayunman, nagpaalala ang WHO na maging maingat sa pagtingin sa COVID-19 data, lalo pa’t marami umanong bansa ang kumaunti ang tine-test, kabilang ang Pilipinas.
Samantala, naninindigan ang mga eksperto na ang pagbuti ng mga datos ay dapat sabayan ng pagbabakuna at pagbibigay ng booster shot. Ngunit nilinaw ng mga eksperto na baka hindi na kailanganin ang regular na pagpapa-booster kung matutuluy-tuloy ang pagbaba ng COVID-19 cases sa mga susunod na buwan.
Tulad ng paulit-paulit nating paalala, ang pagbaba ng bilang ng tinatamaan ng sakit ay hindi nangangahulugang magpapabaya at makakampante tayo.
Ibig sabihin, kinakaya na nating makipagsabayan sa pandemya at kailangang sabayan pa ng gobyerno at taumbayan ang mga pagbabagong ito upang magtuluy-tuloy at talagang makapamuhay tayo sa ‘new normal’.
Siyempre, hindi pa rin dapat isantabi ang pagsunod sa mga minimum health protocols, anumang alert level status ang ipinatutupad.
Gayundin, palakasin pa ang pagbabakuna sa buong bansa dahil tulad ng sinasabi ng mga eksperto, malaki ang naitulong ito sa pagbuti ng datos.
Bagama’t nananatiling hamon para sa Department of Health (DOH) ang vaccine hesitancy at vaccine preference, kabilang din ito sa mga dapat pang tutukan.
Marami pang dapat tugunan at dapat sanayin, pero magandang balita na bumubuti na rin ang sitwasyon sa ibang bansa at hindi lamang dito sa Pilipinas.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments