top of page

Wembanyama, Henderson, Miller at Thompson, handa sa NBA Draft

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jun 23, 2023
  • 1 min read

ni Anthony E. Servinio @Sports | June 23, 2023



ree

Tandaan ang mga pangalang Wembanyama, Henderson, Miller, Thompson at marami pang ibang nangangarap sa 2023 NBA Draft ngayong araw mula sa Barclays Center. Isa-isa silang tatawagin ni Commissioner Adam Silver sa entablado, ang simbolikong unang hakbang patungo sa pagiging susunod na bituin ng liga.

Hawak ng San Antonio Spurs ang karapatan na unang pumili at hindi nila itinago ang nais na kunin ang 7’4” sentrong Pranses na si Victor Wembanyama upang buhayin ang prangkisa na nagtala ng 22-60 panalo-talo. Kung madali ang desisyon ng Spurs, magsisimula ang hulaan sa mga susunod na koponan.

Pipiling pangalawa ang Charlotte Hornets at hati sila kay 6’2” point guard Scoot Henderson ng G League Ignite o 6’9” forward Brandon Miller ng University of Alabama. Nandiyan ang tanong kung kukunin ang pinaka-talentado (Henderson) o 'yung aayon sa kanilang pangangailangan (Miller).

Malamang ay kukunin ng Portland Trail Blazers ang hindi kukunin ng Hornets. Determinado ang Portland na kumuha ng malakas na kakampi para kay All-Star Damian Lillard at ang kukunin nilang rookie ay maaaring ipagpalit nila para sa beterano na makakatulong agad.

Nakakaintriga ang kambal na 6’7” Amen Thompson at Ausar Thompson, mga produkto ng Overtime Elite kung saan dapat maglalaro ang ngayon ay UP Maroon Francis Lopez. Maaaring sila ang maging unang pares na mapapabilang sa Top 10, isang bagay na hindi natamasa ng ilang mga tanyag na kambal sa NBA.

Isa sa mga Thompson ay napipisil na mapupunta sa Houston Rockets na pipili sa ika-lima. Hahanapan ng makakasama si kabayan Jalen Green upang maangat ang Rockets mula sa kartadang 22-60.




Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page