Welcome na ulit sa ‘Pinas ang mga foreign tourists
ni Nancy Binay - @Be Nice Tayo | February 13, 2022
Ikinatuwa ng business community, lalo na ng tourism industry stakeholders, ang pagbubukas ng ating bansa sa mga foreign tourists nitong nakaraang linggo.
Ngunit para lamang ito sa mga fully vaccinated individuals mula sa humigit-kumulang 150 bansa na mayroon tayong visa-free arrangements. Kailangan din nilang magpakita ng negative RT-PCR test na kinuha within 48-hours bago ang kanilang biyahe.
Kasabay ng pagbubukas ay ang inaasahang matagumpay na hosting ng ating bansa ng World Travel and Tourism Council (WTTC) Global Summit sa Marso.
Nakikitang itutulak ng mga pangyayaring ito ang tuluyang pagpapanumbalik ng sigla ng industriya ng turismo sa ating bansa.
Naantala kasi ang planong pagbubukas ng bansa sa foreign tourists noong Disyembre 2021 dahil sa banta ng Omicron variant.
☻☻☻
Alam naman nating lahat na nalugmok ang industriya simula nitong COVID-19 pandemic.
Mula sa 12.8 percent na share ng industriya sa ating Gross Domestic Product noong 2019 ay bumaba ito sa 5.4 percent noong 2020.
Nasa 4.68 milyong Pinoy naman ang nagtrabaho sa industriya noong 2020, na mas mababa ng mahigit isang milyon mula sa 5.72 milyon noong 2019.
Ngunit may pagbangon naman tayong nakita mula noong binuksan muli ang ating tourism spots sa mga turistang Pinoy.
Ayon sa Department of Tourism, tumaas sa P3.1 bilyon ang tourism receipts mula Abril hanggang Setyembre 2021 mula sa P1.6 bilyong naitala sa parehong buwan noong 2020.
☻☻☻
Sa muling pagbubukas ng ating bansa ay kailangan nating gawing consistent at plantsahing mabuti ang mga regulasyon upang maging maayos ang paglalakbay ng mga turista, bukod sa pagsisigurong handang tumugon ang mga ospital at rural health units sakaling may turistang magkasakit.
Makatutulong din ang tuluy-tuloy na pagbabakuna, hindi lamang ng mga tourism workers, kundi ng majority ng populasyon ng lugar upang maiwasan ang malubhang pagkakasakit.
Marami sa ating tourism industry stakeholders ang umaasang tuluyang makababawi ang industriya mula sa epekto ng COVID-19, kung kaya’t sana ay huwag nating hayaang magsara ulit ito.
☻☻☻
Paalala lamang sa lahat na manatili sa loob ng bahay, ugaliing maghugas ng mga kamay, bigyang-halaga ang kalusugan at huwag kalilimutang magdasal.
Malalagpasan din natin ito.
Be Safe. Be Well. Be Nice!
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US! Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay





Comments