Water Run 2nd Series, plogging ilalarga
- BULGAR
- May 30, 2023
- 1 min read
ni Anthony E. Servinio @Sports | May 30, 2023

Lalarga na ngayong Hulyo 16 ang “Water Run” – ang ikalawang yugto ng tanyag na seryeng “Takbo Para Sa Kalikasan” – sa Cultural Center of the Philippines sa Pasay City.
Ang nasabing karera ang kasunod ng matagumpay na “Fire Run” noong Mayo 7 sa parehong lugar.
Bilang bagong hamon sa mga parokyano ng serye, ang pinakamalayo at tampok na distansya ay 18 kilometro na mula sa dating 16 kilometro. Magkakaroon pa rin ng karera sa 10 at limang kilometro.
Lahat ng mga magtatapos ay gagawaran ng medalya at bibigyan ng t-shirt. Ang mga medalya mula sa lahat ng yugto ng serye ay maaaring idugtong-dugtong upang makabuo ng isang malaking medalya.
Dahil pangunahing adbokasiya ng karera ang tumulong sa Inang Kalikasan, hinihikayat muli ang lahat na lalahok na magdala ng sariling lalagyan ng inumin. May paligsahan din sa pagpulot ng basura sa kahabaan ng dadaanan ng karera.
Tulad noong “Fire Run”, bibigyan ng pagkakataon ang mga hindi makakadalo sa araw mismo ng patakbo at magkakaroon muli ng virtual run. Makakatanggap din ang mga tatakbo dito ng parehong medalya at t-shirt.
Matapos ng unang yugto ay nagdaos ng pulong ang Green Media Events upang magbalangkas ng mga paraan upang lalong mapabuti ang serye. Ang mga susunod na yugto ay ang “Air Run” sa Setyembre 24 at “Earth Run” sa Nobyembre 26.
Bahagi ng malilikom na pondo ay mapupunta sa mga proyektong maka-kalikasan tulad ng pagtatanim ng puno, paglilinis ng baybaying dagat at iba pa. Ang pagdaos ng karera ay patuloy na patunay ng tagumpay ng Filipino laban sa pandemya ng nakalipas na tatlong taon.




Comments