top of page
SHOWBIZ SPECIAL - ROMNICK- 54-ANYOS NA AKO, NAGBI-VIDEO GAMES PA RIN, WALA PA AKONG NASAKT

Watanabe at local Judokas, babalibag ng medalya sa Asiad

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 29 minutes ago
  • 2 min read

by Gerard Arce @Sports News | August 23, 2026



Watanabe at local Judokas, babalibag ng medalya sa Asiad

Photo: Kurash Team PH



Nananatiling hinahanap ng Pilipinas ang kauna-unahang ginto sa Asian Games sa larangan ng Judo na halos kamuntikan ng maabot noong 2018 Jakarta-Palembang meet mula kay two-time Olympian Kiyomi Watanabe – sa pagkakataong ito, susubukan ng Filipino-Japanese na malampasan ang runner-up finish sa 20th edisyon sa Aichi-Nagoya Games.


Hanap na malampasan ang nakamit na silver medal sa women’s under-63kgs category, subalit sa panibagong pagkakataon, tatangkaing makamedalya o malampasan ng Cebuano-born Filipino-Japanese ang misyon na masungkit ang pinaka-aasam na gintong medalya sa quadrennial meet sa mas mabigat na kategorya sa under-78 kg o half-heavyweight division.


Maaaring makatapat ng 2014 Asian Junior champ sina reigning quadrennial Asian meet champ Ma Zhenzhao ng China at Rika Takayama ng Japan, gayundin sina Yoon Hyun-Ji ng South Korea at Iriskhon Kurbanbaeva ng Uzbekistan.


Matagal nang hindi nasaksihan sa judo competition ang 29-anyos na 4-time Southeast Asian Games gold medalist matapos ang huling salang sa 2024 Paris Olympic Games, kung saan maaga itong nabigo sa unang sabak kontra kay Tang Jing ng China sa women's under-63 kg sa round of 32 match.


Optimistiko ang Philippine Judo national team na bukod kay Watanabe ay inaasahan din nilang magpapasikat ang iba pang lokal na judoka tulad nina SEA Games veterans at medalists Daryl Mercado (men’s under-60 kg), Joemarie Heart Rafael (under-57 kg), Khrizzie Pabulayan (under-63 kg), at 2025 biennial meet titlist Chino Sy (under-100 kg).


Nakatakda rin bumanat ang mga Fil-Foreign players na sina Fil-Japs Keisei Nakano (under-66 kg) at Kedo Eskelen sa heavyweight division at Benedict Quitain sa men’s 73 kg, na tinitingnang may malaking tsansa rin na pumalag sa mga bigating katunggali mula Japan, Korea at mga Central Asian countries tulad ng Uzbekistan at Kazakhstan.


“May chance po ang mga players natin. Kung makatapat man po tayo ng Japan, Korea at ibang Central Asians, paniguradong lalaban ang mga players natin,” pahayag ni Philippine Judo coach at dating multiple SEA Games titlist Gilbert Ramirez sa Bulgar Sports, kasunod ng mga tagumpay na nilahukan ng koponan sa Penang Invitational Judo Championships sa Malaysia at 2026 Southeast Asian Games Judo Championships sa Bac Ninh, Vietnam.


Sa nagdaang 2025 SEAG sa Bangkok, Thailand, nakapagbulsa ang Pilipinas ng dalawang ginto mula kina Sy at Mixed Team event, kaantabay rin ang tatlong pilak at dalawang tansong medalya.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page