top of page

Wastong pagtatapon ng medical waste, ‘wag kalimutan, plis lang!

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jan 26, 2022
  • 2 min read

ni Ryan Sison - @Boses | January 26, 2022



Malaking responsibilidad ang tamang pagtatapon ng basura, partikular sa medical waste.


Lalo na ngayong may pandemya, kung saan lumobo pa ang dami ng medical waste sa mga pagamutan at laboratoryo dahil kinakailangang magdagdag ng personal protective equipment (PPE) ng mga medical staff, bukod pa sa ilang kagamitan na kailangang ma-dispose agad.


Kaugnay nito, natagpuan noong Linggo sa tabi ng dagat sa isang barangay sa Catanduanes ang medical waste tulad ng mga syringe, blood collection tube, test kit, gamit na gloves, facemask at PPE.


Ayon sa barangay chairman, nakatanggap siya ng ulat mula sa kagawad na may mga medical waste sa baybayin at nilalaro na ito ng mga bata, kaya naalarma ito.


Sa imbestigasyon ng barangay, galing ang naturang medical waste sa isang laboratory at noong Lunes, personal na nagtungo sa barangay hall ang pamunuan ng naturang medical laboratory at humingi ng paumanhin. Paliwanag nito, nagkamali ng ibinigay na basura ang isa sa kanilang staff sa barangay na pinakisuyuan nilang magtapon ng basura.


Gayunman, desidido ang barangay na sampahan ng pormal na reklamo ang medical laboratory.


Bagama’t walang may gusto ng nangyari, nawa’y maging paalala ito sa lahat na maging responsable tayo sa ganitong bagay.


Wala pa mang pandemya, may tamang paraan na ng pagtatapon ng basura. Kaya ‘pag may pasilidad na magpapabaya sa medical waste, tiyakin nating mananagot ang mga ito.


Hindi porke basura, pababayan na lang natin. Tandaan, may wastong pagtatapon ng medical waste at kailangan natin itong gawin sa lahat ng pagkakataon dahil posible itong pagmulan ng iba’t ibang sakit.


‘Ika nga, bawat galaw natin ay puwedeng makasama o makabuti sa ibang tao, kaya utang na loob, pairalin ang disiplina at ‘wag makalimot sa responsibilidad.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page