Warriors, abot-kamay na ang West Finals, 3-0 vs. Mavs
ni Anthony E. Servinio - @Sports | May 24, 2022

Isang panalo na lang ang kailangan ng Golden State Warriors at binigo ang Dallas Mavericks, 109-100, sa Game 3 ng Western Conference Finals ng 2022 NBA Playoffs kahapon mula sa American Airlines Center. Maaaring walisin ng Warriors ang seryeng best-of-seven ngayong Miyerkules sa parehong palaruan.
Nalampasan ng Warriors ang biglang pagkawala ni forward Otto Porter Jr. matapos masaktan ang kaliwang sakong sa second quarter. Susuriin pa siya kung makalalaro sa Game 4.
Naka-shoot ng apat na puntos si Porter bago siya napilitang umupo dalawang minuto pa lang ang lumilipas sa 2nd quarter at lamang ng isa ang Mavs, 30-29. Kinuha ng Dallas ang pagkakataon at itinayo ang kanilang pinakamalaking lamang, 42-33, subalit mula roon ay walang nakapigil sa Golden State sa sabay pag-init nina Stephen Curry at Andrew Wiggins.
Kahit dominado ng Warriors ang second half, hindi basta sumuko ang Mavs at lumapit ng 5 puntos, 99-104, sa 3-points ni Spencer Dinwiddie Sinagot ito agad ng tres ni Jordan Poole upang makahinga ng maluwag ang Warriors sa nalalabing 54 segundo, 107-99.
Matalas muli ang shooting ni Curry sa 31 puntos buhat sa limang tres at may kasamang 11 assist. Sumunod si Wiggins na may 27 puntos at 11 rebound habang 19 puntos si Klay Thompson. Kinapos ang 40 puntos at 11 rebound ni Luka Doncic. Nag-ambag ng 26 puntos si Dinwiddie at 20 puntos si Jalen Brunson.
Sa gitna ng kanilang ikatlong talo sa serye, tumanggap ng magandang balita ang Dallas sa paghirang kay Reggie Bullock bilang 2022 Kareem Abdul-Jabbar Social Justice Champion ng NBA. Kinilala si Bullock para sa kanyang pagsulong ng mga karapatan ng LGBTQ+ bilang pag-alala sa kanyang pinaslang na kapatid na isang babaeng transgender.





Comments