top of page

Warrant of arrest vs Atong Ang, "premature" at "legally questionable" — Atty. Villareal

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jan 14
  • 2 min read

by Info @News | January 14, 2026



Atong Ang / Circulated

Photo: Atong Ang / Circulated



Kinuwestiyon ng abogado ng negosyanteng si Charlie “Atong” Ang ang inilabas na warrant of arrest ng isang hukuman sa Laguna kaugnay ng kaso ng mga nawawalang sabungero, na kanyang inilarawan bilang "premature" at "legally questionable".


Ayon kay Atty. Gabriel Villareal, lead counsel ni Ang, bigong matugunan ng Regional Trial Court ng Sta. Cruz, Laguna ang mga konstitusyonal na rekisitos sa paglalabas ng warrant of arrest laban sa kanyang kliyente.


“Malinaw na umasa lamang ang hukuman sa hindi kumpletong impormasyong isinumite ng Department of Justice (DOJ) sa pagtukoy ng probable cause, nang hindi isinasaalang-alang ang mga counter-affidavit at ebidensyang nagpapawalang-sala sa mga respondent, kabilang si Ginoong Ang,” pahayag ni Villareal.


Aniya, ang naturang hakbang ay tahasang lumalabag sa karapatan ng kanyang kliyente at maaaring ituring na labag sa Konstitusyon, partikular sa Article III, Section 2, gayundin sa mga desisyon ng Korte Suprema sa mga kasong Roberts vs. Court of Appeals at Soliven vs. Makasiar.


Sinabi ni Villareal na kanilang gagamitin ang lahat ng legal na remedyo upang mabigyan ng pagkakataon si Ang na kuwestiyunin ang nasabing arrest order.

“Tinitiyak namin sa publiko na patuloy na igagalang ni Ginoong Ang ang kapangyarihan ng hukuman at siya ay at susunod sa mga proseso ng korte,” saad pa ni Villareal.


Gayunman, iginiit ng abogado na inosente si Ang sa lahat ng paratang na ibinabato laban sa kanya ng umaming whistleblower na si Julie “Dondon” Patidongan, na tinukoy ni Villareal bilang tunay na utak ng krimen. Binatikos din ni Villareal ang umano’y pagkiling ng DOJ sa pagbuo ng kaso laban sa kanyang kliyente sa pamamagitan ng pag-asa lamang sa testimonya ni Patidongan.


Aniya pa, walang pisikal na ebidensya na iniharap ang DOJ na direktang mag-uugnay kay Ang sa kaso, at ang buong pagtukoy ng probable cause ay nakabatay lamang sa salaysay ni Patidongan.


“Ang kasong ito ay itinayo sa pagmamadali, at mula pa sa simula ay malinaw ang intensyon na gawing ‘sacrificial lamb’ ang aming kliyente upang protektahan ang tunay na utak ng krimen,” giit ng abogado.


“Bagama’t ikinalulungkot namin na tila binalewala ng hukuman ang aming panawagan para sa katarungan at due process, patuloy pa rin naming gagamitin ang mga legal na remedyo at susunod sa mga proseso ng korte,” pagtatapos ni Villareal.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page