top of page
Search
  • BULGAR

Warehouse sa Pampanga, ni-raid… Daan-daang sako ng asukal, natagpuan

ni Lolet Abania | August 18, 2022



Sinalakay ng mga operatiba ng Bureau of Customs (BOC) ngayong Huwebes ang isang warehouse sa Pampanga na sangkot umano sa pangho-hoard ng asukal, ayon sa Office of the Press Secretary (OPS).


Nagbabala rin si Executive Secretary Victor Rodriguez sa mga tinatawag na “unscrupulous traders” na aniya, nangho-hoard ng sugar stocks para kumita.


“The BOC’s Pampanga sugar warehouse raid may very well serve as a warning to unscrupulous traders who are currently hoarding their stocks of sugar in order to profit from the current artificial sugar shortage situation,” pahayag ni Rodriguez sa isang statement na inisyu ng OPS.


Ayon sa OPS, sinalakay ng mga ahente ng Clark-based Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) at Enforcement and Security Service (ESS) – Quick Reaction Team, ang gusali kung saan naroon ang New Public Market sa Barangay Del Pilar sa San Fernando City.


Isinagawa ang raid matapos ang isang order mula kay Rodriguez na batay na rin sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., kung saan iniutos sa BOC na i-exercise nito ang tinatawag na kanilang visitorial powers sa lahat ng mga Customs bonded warehouses at suriin o i-check ang imbentaryo ng imported na mga agricultural products.


Sinabi ni Rodriguez na sinisiyasat ng kanyang opisina ang importasyon ng 300,000 metriko tonelada ng asukal na itinutulak ng mga traders aniya, “who intend to use it as a ‘cover’ for them to release the sugar they had hoarded but couldn’t release as this would depress prices.”


Ayon sa opisyal, ang malaking importasyon ng asukal ay maaaring magresulta sa aniya, “windfall profits” para sa mga traders ng tinatayang P300 milyon, na ilang bahagi ng halaga nito ay ilalaan bilang lobby money.


Sa ikinasang raid, nakasamsam ang mga Customs agents ng hinihinalang hoarded sacks ng imported na asukal mula sa Thailand, gayundin ang daan-daang mga sako ng asukal sa loob ng delivery vans.


Bukod sa asukal, natagpuan din ng mga awtoridad ang maraming imported items, kabilang ang mga sako ng corn starch mula sa China, mga sako ng harina, plastic products, oil sa plastic barrels, motorcycle parts at mga gulong ng iba’t ibang brands, helmets, LED Televisions sets at paints.


Ayon sa OPS, ang CIIS ay nagsasagawa na ng inventory ng naturang produkto. Nagbigay naman ang mga awtoridad sa mga warehouse owners ng 15 araw upang magprisinta ng kaukulang dokumento, na magpapatunay na ang mga items ay legally imported.


Sinabi rin ng OPS, kapag napatunayan na ang Thailand sugar ay ipinuslit o smuggled, mahaharap ang mga warehouse owners sa kasong smuggling in relation to the provisions of The Customs Modernization Act (CMTA).


Isinagawa ang raid sa gitna ng isyu hinggil sa sugar importation gayundin ang pagtaas ng presyo ng asukal sa merkado.


Kaugnay nito, una nang sinabi ni Pangulong Marcos na ang bansa ay posibleng mag-import ng asukal sa Oktubre.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page