Warehouse ng RTW, nasunog 2 bumbero, nadale
ni Lolet Abania | July 20, 2022

Dalawang bumbero ang nasugatan habang inaapula ang sunog sa isang textile warehouse sa Taytay, Rizal, hatinggabi ngayong Miyerkules.
Batay sa report, sumiklab ang sunog sa isang gusali sa Sitio Burol, Barangay San Juan, na pinaglalagyan ng mga tela at mga ready-to-wear na mga damit.
“Initially, mayroong dalawang firefighters nagkaroon ng bahagyang sunog sa kanilang kamay dahil napatakan ng natutunaw na plastic,” pahayag ni Fire Inspector Gary Cantillon na aniya, stable na ang kondisyon ng dalawang bumbero.
Pasado alas-2:00 ng hatinggabi, itinaas sa ikatlong alarma ng mga opisyal ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang sunog, kasabay ng makakapal na usok na lumalabas mula sa kisame at mga bintana ng gusali.
Ayon sa BFP, lahat ng mga stay-in na empleyado ng warehouse ay agad na nakalikas sa sunog. Dumating naman sa lugar ang may-ari ng gusali na si William Sy, habang sinabi nitong wala siyang alam sa nangyari dahil aniya, ang mga tao sa warehouse ay mga tenants lamang.
Bandang alas-6:00 ng umaga, idineklara ng mga bumbero ang sunog na, “confined [within the building parameters].”
Patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang naging sanhi at pinagmulan ng sunog.





Comments