Wangs-Letran, pormado kontra St. Clare sa PBA D-League Opening
ni Anthony E. Servinio - @Sports | July 8, 2022

Nalampasan ng Wangs-Letran ang hamon ng Adalem Construction-St. Clare, 94-87, sa unang araw ng 2022 PBA D-League kahapon sa Araneta Coliseum.
Lamang ang Knights sa buong laro subalit kinailangan pa ring magtrabaho sa gitna ng paghabol ng Saints sa huling quarter. Ipinasok ng Letran ang unang 14 puntos ng second quarter upang itayo ang kanilang pinakamalaking lamang, 43-20. Hindi natinag ang St. Clare at humabol sa likod nina Johnsherick Estrada, John Edcel Rojas at Jolo Sumagaysay na bumanat ng magkasunod na three-points upang lumapit sa tatlong puntos na lang, 85-88, at 57 segundo sa orasan.
Biglang tumira ng tres si King Caralipio at sinundan ng dalawang free throw ni Kobe Monje upang makahinga ng maluwag ang Knights, 93-85. May huling hirit si Estrada, 87-93, ngunit hindi ito sumapat at sinigurado ni Tommy Olivario ang panalo sa kanyang free throw.
Namuno sa Letran si Mark Louie Sangalang na may 21 puntos, 13 sa third quarter, na may kasamang 11 rebound. Sinundan siya ni Monje na may 17 puntos. Nagtapos na may 25 puntos si Rojas para sa St. Clare habang 22 si Estrada. Sumunod si Sumagaysay na may 19 puntos buhat sa anim na tres.
Sa pangalawang, madaling binigo ng Centro Escolar University ang AMA Online Education, 101-82. Humataw agad ang CEU sa simula ng fourth quarter upang palakihin ang kanilang 71-61 lamang sa 94-70. Pumutok para sa 36 puntos si Jerome Santos para sa Scorpions. Sinuportahan siya ni Anjord Cabotaje na may 11 puntos. Gumawa ng 24 puntos para sa AMA Kings si Larry Arpia. Nag-ambag ng tig-12 puntos sina Bam Palana at Nikon Alina.





Comments