Walk-ins sa educational aid payout site, stop – DSWD
ni Lolet Abania | August 24, 2022

Walk-ins sa educational aid payout site, stop – DSWD Hindi na tatanggap ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) walk-ins habang nagpapamahagi ng financial assistance sa mga indigent o mahihirap na mga estudyante upang maiwasan ang pagdagsa ng mga tao sa mga payout site. “No. Kasi ‘pag nag-walk in po magkakaproblema na naman po tayo. ‘Yun po ang mahigpit na instruction, this will be the difference,” ani DSWD Secretary Erwin Tulfo ngayong Miyerkules sa press conference nang tanungin siya hinggil dito. Payo ni Tulfo sa mga gustong makatanggap ng cash assistance, mag-register online o i-email sila sa ciu.co@dswd.gov.ph. Maaari ring bisitahin ng mga aplikante ang DSWD website at social media accounts para sa iba pang mga detalye. “Aside from online, puwedeng QR code, puwedeng text kung hindi smartphone ang gamit nila, sasagutin naman namin. There is no more reason na sabihin nilang wala kaming cellphone. Tapos ‘yung mga anak nila nag-online naman last year, e ‘di magpaturo po sila sa anak nila o ‘yung anak nila ang mag-register.
Madali lang po kaming hanapin, pupunta lang po sa website ng DSWD at du’n nila makikita ‘yun,” sabi ni Tulfo. Naniniwala naman ang kalihim na ang nangyaring glitch sa payout system noong nakaraang Sabado ay isang blessing na maituturing dahil sa napilitan silang gumamit ng digital system. “I think this is a blessing in disguise kasi ang gusto ni President Ferdinand Marcos Jr. digitalize ang gobyerno, ang transaction ng mga kababayan natin ay digital, digitalization po kaya we have to start it now, dito mag-uumpisa,” saad ng opisyal. Ayon kay Tulfo, ang mga aplikante ay makatatanggap ng isang text message mula sa DSWD kung kailan sila pupunta sa mga payout sites, na tutukuyin ng local government units (LGUs). Aniya pa, ang mga benepisyaryo ay tatawagin ng alphabetical order. “Pipiliin namin alphabetical, siguro this coming Saturday ‘yung mga apelyido na nagsisimula sa letrang A hanggang F so ‘yun muna ang ia-accommodate natin for this coming Saturday, nationwide ‘yun,” pahayag ni Tulfo.
Ipagpapatuloy na ng DSWD ang payout distribution sa darating na Sabado matapos na pansamantalang isuspende ito noong nakaraang linggo nang dumagsa ang mga estudyante at mga magulang na nagtungo sa main at regional offices ng ahensiya.
Samantala, ayon kay Tulfo isang memorandum of agreement ang nilagdaan na ng DSWD kasama si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos para sa assistance ng educational aid distribution. Ang mga local government units (LGUs) ang maglalaan ng payout site at additional manpower gaya ng social workers na tutulong sa pag-check ng mga dokumento habang ang pulisya at barangay officers para naman sa peace and order. Sinabi ni Tulfo, kailangan lamang ng mga beneficiaries na dalhin ang kanilang certificate of enrollment at identification card.
Gayundin, sila ay iinterbyuhin ng personnel mula sa DSWD central office at agad ding matatanggap ang cash assistance matapos nito.
“Du’n na mismo ang payout, in five to 10 minutes mabayaran siya, ‘yun na ang maximum na ine-expect namin,” sabi pa ni Tulfo.





Comments