Walang problema sa infrastructure projects, kung ‘di nga lang galing sa utang
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | November 2, 2021
MAINAM ANG INFRASTRUCTURE PROJECTS KUNG GALING SA BUDGET NG ‘PINAS, HINDI GALING SA UTANG—Hindi alam ng iba nating kababayan ang masamang epekto ng pagkabaon sa utang ng ating bansa, happy na sila kapag may nakikitang infrastructure projects.
Mainam naman talagang magpagawa ng infrastructure projects ang gobyerno, kung ang proyekto ay galing sa sariling budget ng Pilipinas at hindi galing sa utang, pero ang masaklap na ginagawa ng pamahalaan ay utang nang utang kahit pa malaki ang interest masabi lang na maraming napagawang proyekto, saklap!
◘◘◘
MGA WALANG ALAM, HAPPY SA INFRASTRUCTURE PROJECTS NI P-DUTERTE KAHIT KAPALIT NITO AY TAAS-PRESYO NG MGA BILIHIN AT BAYARIN—Ano ang masamang epekto ng pagkabaon sa utang? Simplehan natin ang paliwanag, para mahulug-hulugan ang malaking utang, kailangang makalikom ng malaking buwis ang pamahalaan.
Sa paanong paraan? Buwan-buwan ay nagtataas ng singil sa kuryente ang mga electric cooperative, panay din ang taas-presyo sa langis at presyo ng mga bilihin, pati LPG (liquefied petroleum gas) tumaas na rin ang presyo, at kaya dedma lang ang gobyerno sa mga isyung ‘yan ay dahil kung lahat nga naman ng gastusin ng publiko ay mataas, malaki ang malilikom na tax ng pamahalaan para pambayad utang, boom!
◘◘◘
KAPAG WALA NANG NAGPAPAUTANG SA ‘PINAS, DULOT NIYAN AY MATAGALANG PAGHIHIRAP AT TAGGUTOM, PATI SERBISYO SA KALUSUGAN AT EDUKASYON DAMAY—Ito pa ang isa sa matinding masamang epekto ng pagkabaon sa utang ng Pilipinas, na sana ay huwag namang mangyari.
Kapag bumagsak ang ekonomiya ng bansa at wala nang magpautang dahil baon na sa utang ang Pilipinas, paano pa gagana ang mga sangay ng pamahalaan para maserbisyuhan ang higit 110 milyong Pinoy?
Para sa kaalaman ng lahat, kada-taon, ang national budget ng Pilipinas ay galing sa utang, tulad sa higit P5 trilyong budget next year, ang halos kalahati riyan, ang P2.42 trilyon ay galing sa utang, at kung sa susunod na administrasyon ay biglang bumagsak ang ekonomiya ng bansa, tapos wala nang magpautang — nakupo, ang epekto niyan sa mamamayan ay matagalang paghihirap at taggutom, pati serbisyong pangkalusugan at edukasyon, damay, tsk-tsk-tsk!





Comments