top of page

Walang plataporma, ‘di binigyan ng boto… WILLIE, PANG-TV LANG, ‘DI UMUBRA SA SENADO

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 5 hours ago
  • 4 min read

ni Janiz Navida @Showbiz Special | May 14, 2025





Magkakaiba ang reaksiyon ng madlang pipol sa katatapos lang na Halalan 2025, pero base sa mga nababasa naming comments sa social media, mukhang mas marami ang na-happy sa mga kandidatong nanalo ngayong eleksiyon kumpara nu’ng mga nakaraang botohan.


Marami nga ang pumupuri sa mga Gen Z at Alpha gen ngayon dahil obviously, gising na gising na sila sa usaping-pulitika at nakikilatis na nila nang tama ang mga kandidato.


Kung dati kasi, mga trapo ang laging nauupo sa posisyon, mukhang iba na ang trend ngayon. Hindi na mabobola ang mga kabataan sa matatamis na salita ng mga pulitiko, sa pagpapatawa sa kampanya, o sa pagkanta at pagsasayaw nila sa entablado.


At kahit nga ang endorsement ng mga pinakasikat pang artista ay nawalan din ng saysay, tulad na lang sa case ni Unkabogable Vice Ganda, na ayon na nga rin sa mga netizens, gusto nila ang TV host-comedian bilang entertainer, pero hindi ibig sabihin, iboboto na nila ang ineendorso nito.


Patunay nga rito na hindi man lang pumasok sa Top 12 senators ang inendorso ni Vice Ganda na si dating MMDA Chairman Benhur Abalos.


To think na may 19 million followers si Vice sa Facebook, bukod pa sa Instagram, TikTok at iba pa niyang social media accounts, pero as of the latest count kagabi (8:15 PM), nasa 11 M pa lang ang botong nakuha ni Abalos.


Hindi na rin bumase ang mga botante sa popularidad lang ng isang kandidato, dahil sa kaso ng Wowowin host na si Willie Revillame, kahit pa sikat na sikat siya sa pagtulong sa mahihirap, lalo na sa mga lolo’t lola, malaking factor para sa mga botante ‘yung wala siyang plataporma kaya hindi siya binigyan ng… jacket, este, ng boto.


Ganu’n din naman ang nangyari sa Pambansang Kamao na si Manny Pacquiao. Sa kabila ng kasikatan nito sa buong mundo bilang world-boxing champ, at kahit pa ang dami na ring natulungan at nabigyan ng ayuda ni Manny, ang kanyang mga ‘nagawa o hindi nagawa’ pa rin sa Senado habang nakaupo siya ang pinagbasehan ng mga Pilipino.


Kaya naman sa isang interbyu sa anak ni Manny na si Michael Pacquiao, ayon sa binata (na by the way ay waging konsehal sa GenSan) ay ikinagulat ng kanilang pamilya na hindi man lang pumasok sa Top 12 ang dati na ring senador. Sa halip, nasa pang-18 na puwesto si Pacquiao, kaya malabo na talagang manalo pa ito.


Pero ayon kay Michael Pacquiao, tanggap naman na ng ama ang naging hatol ng madlang pipol.


Samantala, ikinalungkot naman namin na hindi rin nakapasok sa Top 12 si Sen. Bong Revilla, Jr., gayung ang dami na rin niyang naipasang batas na nakatulong sa mga senior citizens at sa mga teachers na nabigyan ng ayuda-allowance.


Well, ganu’n naman talaga ang buhay at ang pagpasok sa pulitika ay parang isang sugal.

Kaya sa mga hindi pinalad na manalo ngayong eleksiyon, better luck next time, accept and move on.



GOOD news para sa mahihilig sa music dahil muling itatampok ng Puregold ang talentong Pinoy kaugnay ng pangako nitong kumonekta sa kabataang Pilipino, sa mga nagmamahal sa musika, at mga araw-araw na nangangarap at nakikita ang musika bilang ritmo ng buhay.


Nagbabalik ang Nasa Atin Ang Panalo na mas pinalaki at pinabongga. May mga bagong miyembro ang pamilya ng Puregold, tatlo sa mga pinakamaingay na pangalan sa lokal na industriya ng musika — G22, Skusta Clee, at KAIA — handog ang kanilang tinig, pagsusumikap at lakas, at ang kanilang kuwentong panalo.


Kilala bilang alpha females ng P-Pop, pinabibilib ng G22 ang mga tagapanood sa boses nilang malakas ang dating, at hindi-mapapantayang enerhiya. Mula sa kanilang debut noong 2022, nakapaglabas na sina AJ, Alfea, at Jaz ng mga hit gaya ng Bang, Boomerang, Limitless at ang pinakabago, Pa-Pa-Pa-Palaban.


Inilabas ng G22’s ang music video na kolaborasyon nito kasama ang  Puregold, ang Pagpili noong April 9, at mabilis itong nakalikom ng higit tatlong milyong views sa loob lamang ng dalawang linggo.


Samantala, naglabas naman ng kantang Sari-Saring Kwento si Skusta Clee, isa sa pinaka-impluwensiyal na pangalan sa Pinoy hip-hop, kasama ang talentadong rapper din na si Flow G.  Tampok sa kanta ang matatalas na mga linya at mensaheng paniguradong tatama sa mga Pilipinong tagapakinig.


Kasama rin sa Nasa Atin Ang Panalo ang KAIA, isang P-Pop group na kilala sa kanilang mga visual at nakaka-inspire na mga kanta. Ilalabas nina Angela, Charice, Alexa, Sophia, at Charlotte ang kanilang Kaya Mo music video sa Hunyo 12, sa Araw ng Kalayaan, upang ipagdiwang ang kalayaan at tatag ng mga Pilipina.


"Nagbago na rin ang Nasa Atin Ang Panalo at nagkaroon ng mas malaking kahulugan higit sa isang kampanya—isa itong pagdiriwang ng mga pangarap at talento ng mga Pilipino,” ani Ivy Hayagan-Piedad, Senior Marketing Manager ng Puregold.


“Sa pamamagitan nito, umaasa kaming maibibida ang mga artistang Pinoy at mahikayat ang mga miyembro at tumatangkilik ng Puregold na mangarap pa habang nakikita ang musikang panalo sa entablado."


Samantala, paparating pa lamang ang pinakamalaking selebrasyon. Markahan ng mga nagmamahal sa musika at mga mamimili ng Puregold ang Hulyo 5, 2025 sa kanilang mga kalendaryo, ang araw na titingkad ang Philippine Arena dahil sa Puregold OPMCON 2025.


Mapapanood dito ang pagtatanghal ng mga musikerong katambal ng Puregold — SB19, BINI, G22, KAIA, Skusta Clee, Flow G, at Sunkissed Lola. Ito na ang pinakamalaking kaganapan sa OPM ngayong taon, isang gabi ng musika at talentong Pinoy.


Abangan ang unang pagbebenta ng tiket sa Mayo 16 at 17 sa Tindahan ni Aling Puring Sari-Sari Store Convention sa World Trade Center sa Pasay City.

댓글


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page