Walang planong magbalik boxing ring si Pacman
ni Gerard Arce - @Sports | July 22, 2022

Pinabulaanan ng nag-iisang eight division World champion Manny “Pacman” Pacquiao ang inaakala ng karamihan na pormal na itong magbabalik boxing ring kasunod ng pagtanggap sa pagsabak sa exhibition fight kontra kay Korean martial artists DK Yoo sa darating na Dis. 11 sa Seoul, South Korea.
Inihayag ng 43-anyos na Filipino boxing legend sa isang report na wala na siyang planong lumaban pa sa pro boxing kasunod na rin ng pag-anunsiyo ng pagreretiro noong isang taon upang sumabak sa Presidential Elections nitong nagdaang Mayo.
“Wala naman. Sa ngayon ang alam ko nag- announce na ako ng retirement,” pahayag ni Pacquiao nitong Miyerkules ng gabi sa ginanap na presscon para sa exhibition match laban kay DK Yoo sa Shangri-La The Fort. “Yun ang nasa puso ko at nasa mind ko unless magbago ang puso ko at isip ko na lumaban ulit. Pero hindi pa ako nag-iisip ng ganun.”
Ayon naman sa kanyang long-time trainer at matalik na kaibigan na si Buboy Fernandez, hindi pa rin maiaalis ang posibilidad na magbalik sa professional bout ang future Hall of Famer sakaling maging matagumpay ang naturang exhibition match.
“Maaaring sign ito, pero depende pa rin sa magiging performance niya, [pero] siyempre kahit exhibition match lang yan, kailangan pa ring paghandaan,” saad ni Fernandez sa naturang event. “Wala namang pinipili yung boxing kung anong edad mo kung gusto mo pang lumaban e, Pero depende kay Senator Manny. If he wants to comeback talaga as a professional boxer, nasa kanya ang desisyon. Sa amin suportahan lang natin kasi nami-miss din siya ng mga fans, although may mga pagbabago sa edad natin. Pero iba pa rin ang dating pag Manny Pacquiao ang nakikita ng taong bayan,” wika pa ni Buboy.





Comments