Walang paki sa bagyo ang mga ilegalista, pataya pa more kahit sa evacuation center!
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | September 28, 2022
SA MGA BLOGGERS YATA NAKATUNGHAY ANG MGA CABINET MEMBERS AT HINDI SA MEDIA, KAYA HINDI NILA NA-REPORT KAY P-BBM NA MAY LIMANG RESCUERS ANG NAMATAY SA BULACAN—Pasado alas-6:00 ng umaga noong Lunes (September 26, 2022) nang ibalita ng iba't ibang radio at TV station na limang provincial rescuers, na sina Jerson Resurreccion, George Agustin, Narciso Calayag, Troy Agustin at Marby Bartolome ang namatay on-duty nang mabagsakan ng gumuhong pader at malunod sa tubig-baha na may taas na higit anim talampakan sa San Miguel, Bulacan.
Samantala, pasado alas-8:00 ng umaga (Sept. 26, 2022) nang humarap si Pres. Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. sa mga miyembro ng Gabinete para sa briefing tungkol sa sitwasyon ng bansa kaugnay sa pananalasa ng Bagyong Karding, pero isa man sa mga Cabinet members ay walang nagsabi sa pangulo na may limang rescuers ang namatay sa Bulacan, kaya't sa oras na 'yun ay walang kaalam-alam ang pangulo.
Hay naku, tila sa mga bloggers sa social media lang nakatunghay ang mga Cabinet members at hindi sa media sumasagap ng balita, kaya wala silang kaalam-alam!
◘◘◘
MAY BANTA NA NGA ANG BAGYONG KARDING SA PILIPINAS, ITINULOY PA RIN NI VP SARA ANG PAGPUNTA SA JAPAN—Sa kabila na may malaking banta ng pananalasa ng Bagyong Karding sa Pilipinas, itinuloy pa rin ni Vice-Pres. Sara Duterte-Carpio noong September 25, 2022 ang pagtungo sa Japan para dumalo sa state funeral ng yumaong dating Japan Prime Minister Shinzo Abe.
Mantakin n'yo, mas binigyang-halaga pa ni VP Sara ang pagdalo sa state visit kay Abe kaysa maki-join sa mga opisyal ng pamahalaan sa pagtutok sa mga lugar na kinaroroonan ng mga kababayan nating tatamaan ng pananalasa ng super-typhoon.
◘◘◘
NANALASA NA NGA ANG BAGYONG KARDING, TULOY PA RIN SA PANRARAKET ANG MGA GAMBLING LORDS—Sa kasagsagan ng pananalasa ng Bagyong Karding sa Luzon ay tuloy pa rin pala ang operasyon ng raket na bookies nina "Boy Abang" at "Lorna" sa Maynila); lotteng ni "Mario Bokbok" sa Malabon); "Perya ng Bayan"-con jueteng nina "Mat," "Fajardo" at "Chito" sa Pangasinan; "John Yap," "Manalang" at "Renen" sa Cavite at Rizal at STL-con jueteng nina "Ibora," "Toce" at "Alvarez" sa Laguna at jueteng at lotteng nina "Reyes," "Biskotso," "Relos," "Peping," "Bukoy,"Indo" at "Obet" sa Batangas, at ang matindi, pati sa mga evacuation center ay nagpapataya ang kanilang mga kubrador.
Ganyan ka-bad ang mga gambling lords kasi nananalasa na nga ang bagyo, eh, niraraket pa nila ang mga kababayang typhoon victims.
◘◘◘
SANA SI 'SIR MON' NA ANG NEXT DAKPIN NG PNP-IMEG—Isang police officials, sa katauhan ni Capt. Roben Marilag ng Balayan, Batangas ang dinakip ng mga tauhan ni Gen. Warren De Leon, director ng PNP-Integrity and Monitoring Enforcement Group (IMEG) dahil sa panghihingi ng payola sa mga gambling lords sa lalawigang ito noong September 22, 2022.
Eh, 'yung isang police official din na kilala sa bansag na "Sir Mon," na nagpapakolekta ng tongpats sa mga iligalista sa Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon, kailan naman kaya masasakote ng PNP-IMEG?





Comments