Walang multi-billion scam kung walang kasabwat na taga-palasyo, period!
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | February 04, 2022
DAPAT MAKULONG ANG MGA SANGKOT SA PS-DBM-PHARMALLY MULTI-BILLION SCAM–Sa inilabas na committee report ng Senate Blue Ribbon Committee na pinamumunuan ni Sen. Richard Gordon, inirekomenda ng Senado sa Department of Justice at Ombudsman na sampahan ng kasong plunder sina Health Sec. Francisco Duque III, former Usec. Lloyd Christopher Lao ng PS-DBM (Procurement Service-Dept. of Budget and Management), dating PS-DBM director, Deputy Ombudsman Warren Leong at mga executives ng Pharmally Pharmaceutical Corp. at Chinese national Michael Yang dahil sa pang-i-scam sa bilyun-bilyong pera ng bayan.
Dapat lang makasuhan at makulong ang mga ‘yan kasi hindi katanggap-tanggap sa mata ng Diyos at ng mamamayan ang kanilang ginagawa, na habang maraming naghihirap, nagkasakit at namamatay sa kasagsagan ng pananalasa ng COVID-19 ay kinukulimbat nila ang pondo ng DOH na nakalaan sa pagtugon sa laban sana sa pandemya.
◘◘◘
KAPAG WALA NA SA PODER SI P-DUTERTE, SWAK NA RIN SIYA SA ‘PHARMALLY SCAM’–Sa committee report, nakasaad sa rekomendasyon ni Sen. Gordon na kapag wala na sa poder si P-Duterte ay dapat isama rin ito na sampahan ng kaso dahil sa pagtataksil nito sa bayan at mamamayan nang kampihan at “mag-abogado” sa mga sangkot sa PS-DBM-Pharmally multi-billion peso scam, sitahin ang Commission on Audit at pagbawalang dumalo sa Senate investigation ang mga opisyal ng pamahalaan.
Sa totoo lang, mali ang ginawa ni P-Duterte kasi imbes na kumampi sa mamamayan ay sa mga mandurugas ito kumiling.
◘◘◘
PAGKAPANALO NINA BBM AT SARA ANG PAG-ASA NG MGA SANGKOT SA PHARMALLY SCAM–Dahil sa dami ng mga ebidensiyang nakalap ng Senado, swak talaga sa kaso sina P-Duterte, Health Sec. Duque, mga taga-PS-DBM at executives ng Pharmally.
Pero meron pa silang pag-asa para makalusot, ito ay kung mananalo ang tandem na BBM-SARA.
Anak kasi ni P-Duterte si Sara, kaya’t puwede talagang gumawa ng paraan ‘yan para huwag patulan ng DOJ at Ombudsman ang kaso dahil sabit ang kanyang ama.
Pero kapag si Vice-Pres. Leni Robredo ang nagwagi, malas ng mga sangkot sa anomalya kasi tiyak sa kalaboso ang kanilang bagsak.
◘◘◘
HINDI NAKAPANG-I-SCAM SA KABAN NG BAYAN ANG PHARMALLY KUNG WALANG KASABWAT SA PALASYO–Ipinagtanggol ni DIWA partylist Rep. Michael Aglipay sina P-Duterte, Health Sec. Duque, Lao at Leong, na ayon sa kanya ay hindi dapat isama sa kaso, dahil taga-Pharmally lang ang gumawa ng pang-i-scam.
Sa tema ng salita ni Rep. Aglipay ay parang gusto nitong gawing engot sa isyung ito ang mamamayan.
Dapat isalpak ni Rep. Aglipay sa kanyang kukote na hindi makapang-i-scam sa kaban ng bayan ang mga taga-Pharmally kung walang kasabwat sa Palasyo.





Comments