‘Walang Matigas Na Pulis Sa Matinik Na Misis’ no. 1 agad sa ratings
ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | June 09, 2023
Walang paglagyan ang tuwa at sayang aking nararamdaman sampu ng buong cast ng ‘Walang Matigas Na Pulis Sa Matinik Na Misis’ dahil sa umukit kami sa kasaysayan matapos na nanguna kami sa over-all ratings sa buong isang linggo sa lahat ng programa at iba pang palabas sa telebisyon sa buong Pilipinas.
Maliban sa news program na nakakuha ng ratings na 13.3% na lumamang lamang ng isang porsyento sa atin ay naungusan na natin ang lahat ng programa sa lahat ng istasyon sa telebisyon sa buong Pilipinas na isang malaking karangalan para sa bumubuo ng aming teleserye.
Nanguna rin kami sa Top 10 TV Programs, NUTAM RATINGS (AMR%) June 4, 2023, (Overnight Data), ang source nito ay ang Nielsen Audience Measurement sa mismong unang araw ng aming pagtatanghal ay kami ang nanguna sa kabila ng napakaraming kasabay na puro magaganda.
Sa inilabas na ranking sa GMA 7 ay nanguna ang ‘Walang Matigas Na Pulis Sa Matinik Na Misis’ na nakakuha ng ratings na 12.3% at lahat ng mga sumunod na programa ay nakakuha na lamang na mas mababang ratings.
Kaya nga excited akong isulat ang artikulo kong ito dahil hindi ko alam kung paano ko pasasalamatan ang ating mga tagasuporta na hindi nagsasawa sa napakaraming pagkakataon at hanggang ngayon ay nar'yan pa rin sila at ipinadarama ang kanilang pagmamahal.
Hindi lang ‘yan, nagpapasalamat din ang buong cast ng ‘Walang Matigas Na Pulis Sa Matinik Na Misis’ dahil sa tagumpay din ang isinagawa naming motorcade noong nakaraang Sabado at kitang-kita ang pagtitiyaga ng ating mga kababayan para masilayan lamang ang buong cast ng bago naming teleserye.
Inikot namin ang maraming kalye sa iba’t ibang bahagi ng Maynila, Caloocan at Navotas, lulan ng float ang mga nagsiganap sa aming teleserye upang makadaupang palad namin ang mga tagahanga na hindi magkamayaw sa tuwa.
Namahagi ang buong cast sa mga nag-abang sa aming motorcade ng sombrero, T-shirt, posters, candies at iba pang may kaugnayan sa teleserye naming ‘Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis’.
Nagsimula ang aming motorcade, bandang alas-2 ng hapon sa SM San Lazaro, Tayuman, Maynila at kasama natin ang lahat ng mga artistang kasali sa aming bagong teleserye na mapapanood sa GMA 7 tuwing Linggo, alas-7:50 ng gabi.
Kasama sa float sina Beauty Gonzales, Max Collins, Tessie Tomas, Kate Valdez, Kelvin Miranda, Raphael Landicho, Angel Leighton, Niño Muhlach, Bembol Roco, ER Ejercito, Maey Bautista, Dennis Marasigan at Dennis Padilla na namahagi rin ng mga giveaways sa mapalad na nag-aabang sa motorcade.
Alam kong marami sa atin ang nakapanood ng dati at orihinal naming pelikula na ‘Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis’ noong 1994 kung saan ang aking maybahay na si Cavite Cong. Lani Mercado-Revilla ang aking leading lady.
Blockbuster kasi ang movie naming ito at hanggang ngayon ay madalas pa ring napapanood sa iba’t ibang channel ng telebisyon at marami pa rin ang natutuwa kaya nga gumawa kami ng remake ngunit hindi na ito pelikula kundi isang action-comedy na teleserye.
Nagsimula na ito noong nakaraang Linggo (Hunyo 4) bago ang Kapuso Mo Jessica Soho (KMJS) at umasa naman kami na maraming manonood dahil sa ganda ng teleseryeng ito ngunit hindi namin akalain na mangunguna kami sa ratings.
Ginampanan ko pa rin ang pagiging isang pulis -- bilang si Major Reynaldo Bartolome at sa pagkakataong ito ay si Beauty Gonzales na ang gaganap na aking maybahay bilang si Gloria at si Max Collins naman bilang si Elise na lalo pang magpapasaya sa aming teleserye.
Kung naaalala pa n'yo ang dating papel ni Tessie Tomas na tagapagdala ng mga maling sumbong at sulsol sa aking misis ay ginagampanan naman ito ngayon ni Carmi Martin at ito ang madalas na magpapahamak sa buhay ni Tolome, palayaw ni Bartolome sa maraming pagkakataon.
Kabilang din sa mga inaabangan sina Kapuso stars Kate Valdez, Kelvin Miranda, at Raphael Landicho habang ipinakikilala naman dito ang Sparkle actress na si Angel Leighton.
Mas naging exciting ang mga eksena dahil markado rin ang papel nina Niño Muhlach, Bembol Roco, ER Ejercito, Maey Bautista, Dennis Marasigan at Dennis Padilla na magbibigay kulay sa ganda ng mga eksena sa teleseryeng ito.
Sa unang episode ay ramdam agad ang husay ng dating child star na si Niño Muhlach dahil siya naman ang pumalit sa dating role ni Jimmy Santos sa pelikula na isa ring pulis at sidekick ni Tolome na palagi ring kasama sa mga bulilyaso na kinasasangkutan ni Tolome.
Marami ang bumilib sa pagganap ni Beauty bilang si Gloria dahil Bisaya ito sa totoong buhay at bagay na bagay sa tuwing siya ay nagagalit at sumisigaw ng Tolomeeee! na isa sa highlight ng teleserye na isang malaking dahilan kung bakit nanguna ito sa lahat ng palabas sa telebisyon sa buong bansa.
Matapang at tapat sa tungkulin bilang isang pulis si Major Bartolome na aking ginagampanan ngunit sa isang tingin lang ng kanyang misis na si Gloria ay tiklop agad dahil sa sobrang pagmamahal nito sa kanyang asawa.
Malaking sorpresa rin na talagang aabangan sa teleserye ay ang pagpayag ni Jeric Raval na gumanap bilang si Dodong na tauhan ni Scarface na ginampanan naman ni ER Ejercito na kilala rin sa tawag na Kamao dahil parehong pumayag gumanap na kontrabida sa direksyon nina Direk Enzo Williams at Associate Director Frasco Mortiz.
Nakakatuwa dahil nanguna agad kami sa una naming pagtatanghal kaya medyo under pressure din dahil tiyak na marami na ang susubaybay sa aming teleserye na gusto nang makita ang mga susunod na maaksiyong eksena bukod pa sa tawanang dala ng aming palabas.
Sa mga hindi pa nakakapanood ay makisali na kayo sa napakasayang dala ng ‘Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis’ para hindi kayo mahuli sa kuwentuhan at buong pagmamalaki talaga namin itong inihahandog sa inyong lahat.
Hindi lang ‘yan, mas dodoblehin pa namin ang aming pagsisikap na pagandahin ang teleserye naming ito lalo pa at alam naming napakarami nang sumusubaybay.
Muli, maraming-maraming salamat sa lahat nang sumubaybay at sa walang sawa ninyong pagsuporta mula pa noon hanggang ngayon! Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments