Walang lockdown, mas maraming hanapbuhay
ni Ryan Sison - @Boses | July 28, 2022
Matapos tiyakin ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa State of the Nation Address (SONA) na hindi na muling magkakaroon ng lockdown dahil sa COVID-19, agad na nagpahayag ng pagkatuwa ang mga grocery owners, gayundin ang maliliit na negosyante.
Ayon sa isang grupo ng supermarket owners, naging pahirap sa kanilang negosyo ang mga nakaraang lockdown at hindi na kakayanin ang panibagong lockdown dahil sa sobrang taas ng mga operation cost.
Iginiit din ng grupo na hanggang ngayon ay patuloy pa rin silang bumabangon, kaya magiging mahirap kung muling magla-lockdown.
Sa totoo lang, hindi biro ang epekto ng lockdown sa maraming aspeto ng ating buhay, partikular sa mga negosyo. Masasabing isinakripisyo ang ekonomiya para sa kaligtasan ng lahat.
At kapalit nito, maraming negosyo at hanapbuhay ang nagsara, na naging dahilan naman ng pagkawala ng trabaho ng marami nating kababayan.
Kaya kung mapaninindigan ng pamahalaan na hindi na muling magkaka-lockdown dahil sa pandemya, good news ‘yan dahil ibig sabihin, tuloy ang negosyo at patuloy na gagalaw ang ekonomiya.
Pero sana, kasabay ng pagtiyak na hindi na muling magla-lockdown ay ang patuloy na pagtutok sa sitwasyon ng COVID-19 sa bansa.
‘Ika nga, kailangang balanse ang ating mga hakbang upang matiyak na gumagalaw ang ekonomiya at ligtas ang mamamayan laban sa nakahahawang sakit.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments