top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Walang lakas na hihigit pa sa katotohanan

BULGAR
May 1, 2022
3 min read

ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | May 1, 2022


Siga, maton, mapang-api… iyan ang tatlong salita na lumilitaw kapag tinayp ang salitang “bully” sa google. Matatagpuan ang siga sa lahat ng lugar, sa iba’t ibang edad, propesyon at sitwasyon. Siga ang sinumang walang pakialam sa damdamin, dangal at karapatan ng taong pinaglalaruan, inaapi o pinagsasamantalahan. Ganitong-ganito ang ginagawa ng Pangulo ng Pilipinas noong simula ng kanyang panunungkulan. Madalas maringgan ito ng mga bastos at maaanghang na pananalita tungkol sa kababaihan. Ang isa sa maanghang na lumabas sa kanyang bibig ay ang sinabi nito tungkol sa isang misyonerong Australiano na hinostage at ni-rape ng mga inmates sa Davao City Jail sa pamumuno ni Felipe Pugoy.


Sa kanyang pangangampanya noong 2016 Presidential Elections ganito ang kuwento ng dating Mayor ng Davao:


“Ni-rape nilang lahat ng mga babae so ‘yung unang asolte, kasi nag-retreat sila, naiwan 'yung ginawa nilang cover, ang isa doon 'yung lay minister na Australyana. Tsk, problema na ito… Paglabas, eh di binalot. Tinignan ko 'yung mukha, t*** i** parang si… parang artista sa Amerika na maganda… “P***** i**, sayang ito. Ang nagpasok sa isip ko, ni-rape nila, pinagpilahan nila doon. Nagalit ako kasi ni-rape? Oo, isa rin ‘yun . Pero napakaganda, dapat ang mayor muna ang mauna. Sayang,” sabi niya.


Parang laruan, isang bagay na hindi mahalaga at maaaring ibato-bato, isalansan maski saan at sa katapusan itapon na lang sa basurahan. Ganu'n ang ginawa ng mga preso kay Jacqueline Hamil, isang babaeng misyonerang taga-Australia. Karumaldumal na krimen ang ginawa ng mga sigang preso sa walang kalaban-laban na babae. Patay na ang misyonerang Australiano. Nailibing na ito at nakuha pang gawing biro.


Ganyan talaga ang mga siga. Sanay na silang gawin ang gusto nila, maski na mali, imoral at krimen ito.


Ganundin ang ginawa nila kay Senadora Leila de Lima. Nagsimula ito sa Kongreso nang pagpistahan ng dalawang lalaking kongresista ang nakaraang ugnayan ng Senadora sa kanyang drayber. Bagama't tapos na ang naturang ugnayan, inilabas pa ng dalawang kongresista ang istorya nito at pinilit pang tumestigo ang drayber laban sa kanyang dating amo. Bagama't matagal nang tapos ang kuwento, madaling palabasin na hindi pa o baka kamakailan pa lang natapos. Napakadaling gumawa ng bagong kuwento na nilahukan ng mga bagong rekado para maging mas maanghang at malutong itong pag-usapan ng mga Marites. Kaya’t ilang ulit ko nang nakausap ang mga kababaihang hindi maganda ang tingin sa Senadora at ganu'n na lang pintasan ang imoralidad nito. Hindi sapat ang anumang paliwanag at pangungumbinse sa mga ito dahil marami na silang sari-saring kuwentong nabasa laban sa Senadora sa Facebook, Instagram, YouTube at sa TikTok.


Hindi lang hayagan at diretsahan ang pambu-bully ng mga siga ngayon. Ginagawa na ito sa pamamagitan ng social media. Ito na nga ang tinatawag na Cyber Bullying na maaaring gawin maski na kanino.


Ang pangalawang yugto ng paninira kay Senadora De Lima ay ang paggawa ng istorya tungkol sa pagkakasangkot nito sa droga. Para mangyari ito, kailangan ng testigo. At sino ang pinalabas at pinagsalitang mga testigo ng pamahalaan? Ang mga nahatulang preso sa New Bilibid Prison. Ang pinakakilala sa mga ito ay si Rolan Kerwin Espinosa na nagsalita sa dalawang Senate hearings laban kay Senadora Leila noong 2016. Sapat na ang kuwentong inilabas ni Kerwin laban kay Senadora Leila. Kung tutuusin, hindi katanggap-tanggap na ang testigo ay isang nahatulan na’t nakulong na kriminal. Subalit, ginamit pa rin ito dahil kailangan nga ng testigo.


Kamakailan lang, narinig natin ang pagbawi ni Dayan, ang dating drayber ni Senadora De Lima sa kanyang istorya laban sa kanyang dating amo. Noong nakaraang Miyerkules, ganu'n din ang ginawa ni Kerwin Espinosa sa pagbawi rin nito ng kanyang istorya laban sa Senadora.


“Pinilit lang ako at pinagbantaang makisama kung ayaw kong madamay ang aking pamilya,” paliwanag ng preso. At bagama't napakahalagang ebidensiya ito para tuluyan nang palayain ang inosenteng Senadora, nagpaplano na ang Kagawaran ng Katarungan na maghain ng “Perjury Case (pagsisinungaling) laban kay Kerwin.


Ano na ang mangyayari kung hindi lang isa kundi marami, at nagtutulung-tulong ang mga ito? Oo, marami silang masasaktan at maiisantabi. Ngunit katagalan, ano man ang panglalamang, pang-aabuso, pagsasamantala, paggamit ng lakas, laki at anumang panlalamang sa kanilang biktima, sa hulihan walang puwersang hihigit pa at makakatalo sa katotohanan.


Noong lumabas ang balita sa pagbawi ni Kerwin sa kanyang kaso laban kay Senadora Leila, may kaibigan akong nagtanong, “Lalaya na po ba si Senadora Leila dahil sa ginawang pagbawi ng kanyang istorya ni Espinosa?”


Noon pa lang, hanggang sa ngayon, malaya na si Senadora Leila. Alam niya ito at alam ito ng lahat ng nalalaman ang katotohanan. Walang hihigit pang lakas sa katotohanan.


Oo, tiyak na tiyak 'kong lalabas na si Senadora Leila De Lima.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page