top of page
TALKIES - “HINDI MASAMA NA BUMILI NG MAHAL KUNG AFFORD MO” - HEART_IG _iamhearte.jpeg

Walang contingency plan sa mga naperhuwisyong pasahero?

BULGAR
Jan 4, 2023
4 min read

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | January 4, 2023


May kasabihan na dapat nakahanda ang lahat sa unang araw ng pagbubukas ng taon para hindi salubungin ng problema at maging maluwag sa papasok na bagong taon. Ibig sabihin, kung handa, sagana at maayos ang unang araw ng bagong taon ay ganito rin ang aasahan sa buong taon, ngunit kapag nasimulan umano ng malas ay puro kamalasan naman ang naghihintay buong taon, kaya pinaghahandaan ito ng marami nating kababayan.


Kung paniniwalaan ang pamahiing ito ng marami nating kababayan, ano na kaya ang kahihinatnan ng ating aviation industry? Mula mismo kasing bagong taon ay ilang araw nang dumaranas ng kaguluhan ang ating paliparan at mula ngayong Miyerkules ay naging bukas pa, Huwebes, umano magiging maayos ang lahat bunga ng sinasabing system glitch o biglaang aberya.


Ilang araw din tumutok ang mga local carriers sa recovery ng kanilang flights matapos ang mga kanselasyong isinagawa ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) dahil umano sa air traffic management technical issue noong unang araw ng bagong taon.


Ilang araw ang patuloy na kanselasyon ng mga inbound at outbound flights sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at kapansin-pansing walang sapat na contingency plan para sa mga naperhuwisyong pasahero na dapat mahimay sa Senado.


Kunsabagay, mas importanteng tinutukan munang maibalik agad sa normal ang lahat ng operasyon matapos ang insidente, kung saan noong Enero 1 mismo ay umabot sa 259 flights ang nakansela at nasa 26,253 pasahero ang naapektuhan, at kinabukasan ay nasa 75 flights na naman ang nakansela at nasa 1,578 pasahero ang apektado.


Nataranta ang lahat, kitang-kita na hindi sila handa sa mga ganitong sitwasyon at ang isinasagawa nilang recovery operations ay nagdulot ng domino effect dahil sa patuloy na mga kanselasyon, pag-antala at diversions ng mga flights. Hindi rin sila makapagpalipad ng eroplano pabalik kahit nag-resume na ang operasyon ng airport ng alas-4: 00 ng hapon noong Linggo dahil dagsa naman ang arrival na limitado lamang umano sa 15 kada oras at nasa 244 flights at 24,000 Philippine Airlines (PAL) passengers ang naapektuhan.


Linggo ng gabi ay nag-anunsyo naman ang Manila International Airport Authority (MIAA) na tinatayang nasa 65,000 pasahero ang naapektuhan ng technical issue sa Air Traffic Control (ATC). Kinabukasan, araw ng Lunes ay nagbigay ng pahayag ang CAAP na ang Communications, Navigation, and Surveillance/Air Traffic Management (CNS/ATM) System ay dumanas umano ng power supply failure at maging ang uninterruptible power supply (UPS) ay hindi gumana—dahil hindi na-upgrade.


Lumalabas na ang ugat ng problema ay power supply na talaga namang nangyayari, na kung maayos sana ang UPS ay hindi nagkaroon ng aberya at isa itong patunay ng kawalan ng preemptive maintenance kung bakit ito nangyari.


Isa na lang sa ipinagpapasalamat natin sa pangyayaring ito na kahit paano ay hindi humantong na may nawasak na aircraft at walang pasahero ang nasaktan kahit pa dikit-dikit na problema ang idinulot nito sa mahigit tatlong libong overseas Filipino workers (OFWs).


Inuulan ngayon ng sisi ang CAAP kung bakit napakatagal ng anunsyo hinggil sa nangyaring ‘airspace shutdown’ na nagdulot ng kanselasyon ng napakaraming flights na nauwi sa ilang araw na krisis hindi lang sa NAIA, kung hindi sa lahat ng paliparan sa buong bansa.


Nakakaawa ang sinapit ng mga nakatalagang security guard sa NAIA na wala man lamang megaphone na silang tumanggap ng napakaraming mura mula sa galit ng mga pasahero na hindi maliwanagan sa mga pangyayari maliban sa nagaganap na kanselasyon.


Maliwanag na walang kahandaan, ngunit nararamdaman na umano ng CAAP na mangyayari ito dahil may mga rekomendasyon sila para maisaayos at mapaunlad ang air traffic management system pero bakit hinintay pa nilang umabot sa ganito na malagay pa sa alanganin ang marami nating kababayan? Kung na-upgrade sana ang UPS na lumang-luma na o nagkaroon man lamang ng backup ay hindi na sana humantong na humihingi ng tawad sa publiko itong CAAP dahil maging ang Meralco ay pinaninindigan na wala silang pagkukulang sa supply.


Sana lang ay magdulot ng positibong resulta ang pangyayaring ito para sa hinaharap dahil ang pagpasok ng bagong taon ay palaging may kaakibat na pag-asa kasabay ng mga bagong resolusyon tungo sa pag-unlad at mabuting pagbabago.


Pero sa pangyayaring ito na sinalubong tayo ng napakalaking problema sa pagpasok ng taon ay malaking agam-agam ang dulot nito sa marami nating kababayan na sana ay hindi naman magkatotoo na sunud-sunod na problema rin ang kahaharapin natin sa buong taon.


Napakarami nang pumupuna tungkol sa lagay ng air transportation sa bansa, kahit sa ilang istasyon sa radyo ay may mga pumupuna na riyan pero hindi natin alam kung bakit nagtaingang-kawali ang CAAP o sadyang nagkataon lamang ang pangyayari.


Kung inyong matatandaa’y nakaranas din ang NAIA ng mahabang oras ng power outage na labis na nakaapekto sa 30 domestic international flights noong nakaraang Setyembre 2022 lamang.


Sa isinagawang joint investigation ng Meralco at Manila International Airport Authority (MIAA) ay lumalabas na ang dahilan ng problema ay nagmula umano sa Terminal 3 power substation at tiniyak ng Department of Transportation (DOTr) at ng MIAA na hindi na mauulit ang naturang insidente.


Lumipas ang pangyayaring ito ng wala silang opisyal na pahayag kung malala o hindi ang insidente na ito at noong bagong taon ay naulit na naman at sinasabi ng CAAP na bukas araw ng Huwebes ay magiging maayos na umano ang lahat na parang walang nangyari!


Anak Ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page