Walang bisa ang pagbebenta kung hindi nakapag-liquidate
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | August 30, 2022
Dear Chief Acosta,
Ikinasal ang aking kapatid noong 1990. Subalit, sa kasamaang palad ay wala silang naging anak ng kanyang asawa. Ngayon, nais kong malaman kung ano ang epekto ng pagbebenta ng asawa ng aking kapatid sa lupaing kapwa nila binili noong nabubuhay pa siya, kung ginawa ito nang hindi man lamang isinaayos ang kanilang mga ari-arian bilang mag-asawa at gayung yumao ang aking kapatid tatlong taon na ang nakakaraan? - Vino
Dear Vino,
Para sa iyong kaalaman, walang bisa ang pagbebenta ng lupain na ginawa ng asawa ng iyong kapatid, lalu na’t hindi man lamang na-liquidate ang kanilang mga ari-arian bilang mag-asawa, sang-ayon sa Artikulo 130 ng Family Code of the Philippines. Malinaw na ipinabatid dito na:
“When the marriage is terminated by death, Article 130 of the Family Code specifically provides for the liquidation of the conjugal partnership within one year from the death of the deceased spouse:
ART. 130. Upon the termination of the marriage by death, the conjugal partnership property shall be liquidated in the same proceeding for the settlement of the estate of the deceased.
If no judicial settlement proceeding is instituted, the surviving spouse shall liquidate the conjugal partnership property either judicially or extrajudicially within one year from the death of the deceased spouse. If upon the lapse of said period no liquidation is made, any disposition or encumbrance involving the conjugal partnership property of the terminated marriage shall be void.
Should the surviving spouse contract a subsequent marriage without compliance with the foregoing requirements, a mandatory regime of complete separation of property shall govern the property relations of the subsequent marriage.
Parenthetically, a similar provision (Article 103) governs with respect to the absolute community property regime. xxx”
Subalit, ayon sa ating Kagalang-galang na Korte Suprema sa kasong Heirs of Caburnay v. Heirs of Sison (G.R. No. 230934, 02 December 2020), sa panulat ni Kagalang-galang na Kasamang Mahistrado Alfredo Benjamin S. Caguioa:
“In the words of the Court in Heirs of Go, Domingo, and Uy, the sale by Teodulo of the subject property to Apolinario was not necessarily or totally or entirely void, for his right as a co-owner to the extent of 9/16 thereof was effectively transferred, making the buyer, Apolinario, a coowner of the subject property to that extent and a trustee for the benefit of the co-heirs of Teodulo, his seven children, in respect of their combined 7/16 interest therein that was not validly sold to Apolinario. Upon Apolinario's death, petitioners stepped into his shoes and became co-owners together with Jesus of the subject property.” (Binigyang-diin)
Samakatwid, base sa nabanggit na batas, kailangang i-liquidate o ayusin ang mga naiwang ari-arian ng mag-asawa sa loob ng isang taon matapos ang pagkamatay ng isa sa kanila. Kung hindi ito magagawa, ang anumang disposisyon, pagsangla o pagprendang gagawin sa naiwang ari-arian ay walang bisa. Gayunman, alinsunod sa nabanggit na desisyon ng Korte Suprema, ang kawalang bisa ng kontrata ay hindi sa kabuuan sapagkat ang buyer o ang taong bumili ng naiwang ari-arian ay maaaring magkaroon ng karapatan, na limitado sa karapatan ng tagapagmana na siyang nagbenta sa kanya nito. Sa pagkakataong ito, ang buyer ay maituturing na co-owner ng iba pang tagapagmana na hindi pumayag sa pagbenta ng lupa.
Kaya naman, bagama’t sinasabi ng batas na walang bisa ang kontrata sa pagitan ng asawa ng iyong kapatid at buyer ng lupaing naiwan ng iyong kapatid, ang nasabing buyer ay maaari pa ring magkaroon ng karapatan sa nasabing lupain. Ang karapatang ito ng buyer ay limitado lamang sa parte na nauukol sa asawa ng iyong kapatid na siyang nagbenta sa kanya. Kumbaga, hahalili sa interes ng asawa ng iyong kapatid ang buyer.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.





Comments