Wala pa sa isip ni Donaire ang magretiro, may laban pa
- BULGAR
- Aug 7, 2022
- 2 min read
ni Gerard Arce - @Sports | August 7, 2022

Wala pang planong isuko ni four-division World champion Nonito “The Filipino Flash” Donaire ang kanyang karera sa pro-boxing, bagkus ay target pa nitong sumabak sa malalaking laban kina super flyweight titlist Kazuto Ioka ng Japan at Roman “Chocolatito” Gonzalez ng Nicaragua.
Nalasap man ang brutal na second round knockout laban kay undefeated at unified bantamweight champion Naoya “Monster” Inoue nitong Hunyo, pilit pa ring itatayo ng 39-anyos na Filipino-American ang bandila upang makabalik sa title fights.
Puntirya ng Talibon, Bohol native na makalaban ang WBO 115-pound champion na si Ioka na kamakailan ay dinomina si Donnie “Ahas” Nietes sa isang rematch nitong Hulyo 13 sa Ota City General Gymnasium sa Tokyo, Japan. Kabilang din sa kakaharapin nito ang dating 4-division titlist at dating WBA 115-lbs titlist na si Gonzalez.
Muli umanong babalik sa bantamweight division si Donaire, na mag-40 anyos sa Nobyembre, upang hanapin ang kagustuhang magong undisputed champion sa naturang dibisyon. “It's a really good fight with Chocolatito and people are saying it would be ‘legend versus legend,” wika ni Donaire sa Probellum.com. “It’s a big fight. But I do like the Ioka fight as well because I want to get that title and become a five-division champion and then move back up to 118 and go for the undisputed crown once everything else is open and I get another opportunity for it.”
Minsan ng humataw ng panalo si Donaire sa 115-lb dibisyon ng kunin ang WBA interim title kay Rafael Concepcion nung Agosto 2009 at madepensahan ito laban kina Manuel Vargas nung Pebrero 2010 at Henan Marquez nung Hulyo 10, 2010.
Inilahad ni Donaire na napag-isipan at napag-usapan na nila ni Probellum CEO Richard Schaefer na bumaba ito ng junior-bantamweight bago ang laban kay Inoue.





Comments