Wala pa ring nararamdamang pagbabago sa serbisyo ng Telcos

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | January 29, 2021
Suportado natin ang pinakahuling pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa tila walang pagbabago ng dalawang telecommunication company (telcos) sa kanilang pinababayarang serbisyo sa kabila ng ultimatum na ibinigay sa kanila.
Matatandaang bahagi ng mismong pahayag ng Pangulo sa kanyang pinakahuling State of the Nation Address (SONA) ang pagbibigay-babala sa dalawang telcos na kung hindi aayusin ang kanilang serbisyo ay kukunin ang kani-kanilang kumpanya ng pamahalaan at sila na ang mamamahala.
Marami sa ating mga kababayan ang natuwa sa pahayag ng Pangulo at umasang sa pagwawakas ng 2020 ay mararamdaman na ang kahit kaunting pagbilis ng mga internet connection sa buong bansa.
Ngunit magtatapos na ang Enero at tila walang nararamdamang pagbabago na labis nang ikinaiinis ng Pangulo kaya muli ay naobliga itong magbigay ng panibagong ultimatum para sa dalawang telcos.
Hanggang ngayon ay nananatili tayo sa ika-34 puwesto sa may 50 bansa kung ganda, bilis at lawak ng serbisyo ng signal ang pag-uusapan na lubhang napakalayo sa ating mga karatig-bansa.
Dahil dito ay nagpahayag ang Department of Information and Communications Technology (DICT) na dapat magdagdag pa umano ng mga fiber optic cable ang mga telcos dahil napakalawak naman umano ng bansa para rito.
Napakarami pa rin kasing mga lugar sa bansa na hanggang ngayon ay walang signal dahil nag-aasahan ang dalawang telcos kung sino ang magtatayo ng cellsite sa mga lugar na hanggang ngayon ay walang nasasagap na signal.
Kahit sa Metro Manila na sentro na ng kalakalan ng bansa ay napakarami pa ring lugar ang walang nasasagap na signal at kailangan pang pumihit ng gumagamit para makakuha ng mahinang-mahinang signal.
Nabatid na humigit-kumulang sa 50,000 cellsite pa ang kailangan para mapatino talaga ang serbisyo ng dalawang telcos sa iba’t ibang bahagi ng bansa at wala silang maipakitang ulat kung may pagbabago na sa pangangailangang ito.
Kaya maging ang Department of Interior and Local Government (DILG) ay nagtayo na ng Task Force para umasiste lamang sa mga telcos na ito upang mapadali ang kanilang mga kailangang dokumento para sa pagtatayo ng cellsite.
Umaabot umano ng 10 hanggang 15 milyong piso ang halaga ng isang cellsite, hindi pa kasama ang renta sa lugar na pagtatayuan at katakut-takot na aabutan ng lagay para lamang matuloy ang isang cellsite na nawala na dahil nga sa DILG-Task Force.
Ano na ang nangyari sa pakikipagtulungang ito ng DILG at tila hindi pa rin umuusad ang serbisyo ng mga telcos na lubhang inasahan din ng Department of Education (DepEd) kaya tayo humantong sa online learning.
Kung maraming indibidwal ang nakararanas ng hirap sa signal ay mas maraming mag-aaral sa mga lalawigan, partikular ang mga nasa bulubunduking bahagi ng bansa na hanggang ngayon ay kinakailangang maglakad ng malayo para lamang makakuha ng signal.
Bukod sa hirap na sa paglalakad ng napakalayo, hirap pa sa pag-akyat sa mga kabundukan ay hirap din sa pagbabayad ng load ang mahihirap na mag-aaral na kahit hindi magamit ay kusang nag-e-expire sa itinakdang araw.
Kung hindi maisasaayos ng mga telcos ang kanilang serbisyo ay mas mabuting pansamantalang alisin na muna nila ang expiration ng ibinibenta nilang load hangga’t hindi pa ayos ang serbisyo.
Dapat ding dagdagan nila ang buwan nang palugit sa mga nagbabayad ng buwanan dahil ang lakas nilang manakot at agad namumutol samantalang ang signal nilang pinababayaran ay putul-putol.
Maraming lugar sa bansa ang delayed ang signal, sana puwede ring delayed ang bayad sa mga telcos na ito.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o
mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments