Wala nang 'ghost project' sa 2027 — DBM... P107.4 bilyon, budget sa flood control
- BULGAR

- 1 hour ago
- 2 min read
ni Mylene Alfonso @News | August 11, 2026

Photo: File / DBM
Naglaan ang pamahalaan ng P107.4 bilyon para sa mga flood control project sa ilalim ng panukalang 2027 national budget, kabilang ang maintenance, repair, rehabilitation at improvement ng mga umiiral nang imprastraktura.
Ayon kay Department of Budget and Management (DBM) Acting Secretary Kim Robert de Leon, ipagpapatuloy ng gobyerno ang pagpopondo sa mga flood control project, lalo na ang mga nasimulan na.
“Hindi naman din po natin puwedeng pabayaan ’yung mga naumpisahan na, na mga flood control projects, at mas hindi po magiging maayos ’yung epekto kung mananatiling nakatiwangwang ’yung mga naumpisahan ng mga flood control projects,” ani De Leon sa press briefing kasunod ng ceremonial turnover ng panukalang 2027 National Expenditure Program (NEP) sa House of Representatives.
Ipinaliwanag din ni De Leon na hindi lamang isang beses na gastusin ang mga flood control project dahil nangangailangan ang ilang pasilidad ng tuluy-tuloy na operasyon at maintenance.
Sa kabuuang P107.4 bilyon, P19.6 bilyon ang nakalaan bilang capital outlay para sa mga nagpapatuloy na foreign-assisted flood control projects.
May karagdagang P3.41 bilyon naman na panukala para sa flood control program ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), partikular sa operasyon at maintenance ng mga umiiral na flood control structure, pumping station at iba pang kaugnay na pasilidad.
Kaugnay nito, sinabi ni De Leon na mas mahigpit na sinuri ang mga flood control project sa paghahanda ng 2027 NEP kasunod ng mga naunang alegasyon ng anomalya sa mga proyekto ng gobyerno.
Kabilang sa mga rekisito ang malinaw na pagkakakilanlan at pag-tag sa lokasyon ng mga proyekto, gayundin ang pagkakaroon ng aktuwal na programa ng trabaho bago pa man isumite ang panukalang budget sa Kongreso.
“Masiguro natin na hindi ito magiging mga ghost flood control projects kapag ito ay naaprubahan ng Kongreso,” ani De Leon.
Ayon pa sa kalihim, patuloy ding imo-monitor ang mga proyekto mula sa pagpapalabas ng pondo hanggang sa aktuwal na implementasyon ng mga ito.





Comments